Ayo itinatago ang paghahanda ng Tigers

By Chris Co

MANILA, Philippines — Nagsimula na si Aldin Ayo sa University of Santo Tomas ngunit tikom ang bibig nito sa mga kaganapan sa kampo ng Growling Tigers na naghahanda para sa UAAP Season 81 basketball tournament.

Ayon sa source, pinagbawalan ng UST Institute of Physical Education and Athletics ang mga manlalaro nito at miyembro ng coaching staff na magsalita hinggil sa ginagawang preparasyon ng Growling Tigers.

Noong Biyernes pa nag-umpisa ang ensayo ng Growling Tigers kasama ang mga bagong miyembro ng coaching staff.

Makakasama ni Ayo sa grupo sina McJour Luib, Kristoffer Co, Rene Bayna at Bonnie Garcia na siyang magtutulung-tulong upang mapaangat ang kalidad ng basketball sa UST.

Hindi lamang seniors team ang hahawakan ng tropa.

Kasama rin sa pagtutunan ng pansin ng coaching staff ang programa sa juniors division.

Sa katunayan, nanood si Ayo kasama ang apat na coaches sa laro ng Tiger Cubs laban sa Ateneo de Manila University kahapon sa UAAP Season 80 juniors basketball tournament sa The Arena sa San Juan City.

Natalo ang Tiger Cubs sa iskor na 54-78 para mahulog sa No. 3 spot ang tropa tangan ang 5-3 marka.

Ito ang unang pagkakataon na lumabas sa publiko si Ayo matapos ang ilang linggong pananahimik.

Matapos ang laro, hindi nagpaunlak ng panayam si Ayo.

Bago lumipat sa UST, dinala ni Ayo ang De La Salle University sa kampeonato noong 2016 at runner-up fi­nish noong nakaraang taon. Binigyan din niya ng korona   ang  Letran sa NCAA noong 2015.

comments powered by Disqus

mofuse.com