MVP tiwalang makukuha ang hosting ng 2023 FIBA World Cup

By Chris Co

MANILA, Philippines — Magkakaalaman na sa Sabado kung sino ang magi­ging punong abala sa 2023 FIBA World Cup.

Nakatakdang isiwalat ng FIBA Central Board ang hosting rights sa FIBA headquarters sa Lausanne, Switzerland.

Dalawang grupo na lamang ang pinagpipilian ng FIBA – ang Asian group na binubuo ng Pilipinas, Japan at Indonesia at ang South American group na pagsasamahan ng Argentina at Uruguay.

Bago ihayag ang napiling host, magsasagawa muna ng presentasyon ang bawat nominadong grupo upang ipakita ang mga venues na gagamitin sa World Cup.

Pilipinas ang mangunguna sa Asian group dahil ito ang magsisilbing main hub ng World Cup sakaling makuha ng grupo ang hosting rights.

Ipinagmamalaki ng Pilipinas ang Philippine Arena sa Bocaue, Bulacan na siyang magsisilbing venue ng finals kung saan kaya nitong magpasok ng 55,000 katao.

Kasama rin ang Mall of Asia Arena sa Pasay City at ang Smart Araneta Coliseum sa Quezon City bilang alternatibong venues.

Ang Okinawa Arena naman ang napiling venue ng Japan habang idaraos sa Istora Senayan ang mga laro sa Jakarta, Indonesia.

Tiwala si Samahang Basketbol ng Pilipinas chairman emeritus Manny V. Pangilinan na makukuha ng Pilipinas ang hosting job sa World Cup na dadaluhan ng 32 bansa.

Umalis na kahapon ang grupo ng SBP sa pa­ngu­nguna nina Pangilinan, SBP president Al Panlilio at Executive Director Renauld Barrios.

Kasama si Pangilinan sa FIBA Central Board gayundin sina Japanese Yuko Mitsuya, Indonesian Erick Thohir at FIBA Central Board chief Horacio Muratore ng Argentina.

Subalit hindi maaaring bumoto ang mga miyembro ng FIBA Central Board na kasali sa bidding.

Unang ginanap sa Pilipinas ang World Cup noong 1978 habang nakuha ng Japan ang hosting rights noong 2006. Ginanap naman sa Argentina ang World Cup noong 1950 at 1990 samantalang idinaos ang world meet sa Uruguay noong 1967.

Magugunitang nag-bid na ang Pilipinas para sa 2019 FIBA World Cup subalit natalo ito sa China.

comments powered by Disqus

mofuse.com