Gilas balik sa porma, Taipei Blue pinataob

TAIPEI - Bumangon ang Gilas Pilipinas mula sa isang opening loss para talunin ang Taipei Blue, 88-72 sa 39th Jones Cup kagabi rito sa Taipei Heping Gymnasium.

Nauna nang yumukod ang Nationals laban sa mga Canadians, 77-90  sa pagsisimula ng torneo noong Sabado.

Nagbida si PBA guard Matthew Wright para sa panalo ng Gilas at nakahugot ng kontribusyon mula kina Kiefer Ravena, Jio Jalalon at Fil-German Christian Standhardinger.

Itinala ng Nationals ang 10-point lead, 40-30  sa se­cond quarter bago naghulog ang mga Taiwanese ng 10-0 atake para makatabla sa 40-40.

Nagsalpak naman si guard Mike Tolomia ng magkasunod na mid-range jumpers para sindihan ang maikling 7-0 bomba ng Gilas patungo sa pagbitbit sa 47-40 bentahe sa halftime.

Ang three-point shot ni Ravena ang naglatag sa 80-69 kalamangan ng Gilas sa huling 3:17 minuto ng fourth period para tabunan ang Taipei Blue A.

Tuluyan nang sinelyu­han nina Ravena at Standhardinger ang panalo ng Nationals mula sa kanilang basket at dalawang freethrows, ayon sa pagkakasunod, para sa 84-69 abante kontra sa Taiwanese sa huling dalawang minuto ng labanan.

Samantala, matapos ang Taipei Blue, ang Taipei White B naman ang lalabanan ng Gilas Pilipinas.

Makakatapat ng Nationals ang Taipei White ngayong alas-3 ng hapon sa Day Three ng one-round-robin competition sa hanay ng 10 teams.

“Yes, we’re taking a look at each other,” sabi ni Gilas coach Chot Reyes. “But you really can’t figure what they will be in the World Cup qualifiers. They’re not really laying down their cards here. You can see they have a big pool. So you don’t know who will be there in the world qualifier.” dagdag pa nito.

Ang Gilas at Chinese Taipei ay magduduwelo sa kanilang home-and-away matchup sa Asian World Cup qualifier.

Magkasama ang Gilas Pilipinas at Taipei sa isang grupo kasama ang Australia at Japan sa first round ng Asian “WC” qualifier.

Unang makakasagupa ng Gilas sa world eliminator ang Japan sa Nov. 24 kasunod ang Chinese Taipei sa No. 27, Australia sa Feb. 22, Japan sa Feb. 25, Taipei sa June 29 at Australia sa July 2.

Gagamitin ng Taipei sa kanilang home game ang venue ng kasalukuyang Jones Cup – ang brand-new 10,000-seater arena.

Ang Big Dome o MOA naman ang gagamitin ng Gilas sa kanilang home games laban sa Japanese, Aussies at Taiwanese.

Ang Taipei Blue, pinamumunuan nina naturalized player Quincy Davis at hotshots Liu Cheng, ang Team A ng Taipei, habang ang Taipei White, itinatampok si Kyle Barone sa ilalim ni American coach Charles Henry\ Parker, ang kanilang Team B.

Nakalasap ang Taipei White ng 84-87 kabiguan sa South Korea noong Sabado.

Kumolekta si Ying Chun Chen ng 26 points, 8 assists at 7 rebounds sa

isang all-around game, habang humakot ang 6-foot-10 na si Barone,

dating Western Athletic Conference Player of the Year sa Idaho

University, ng 13 points at 10 rebounds.

Sina Guan-quan Chen, Kai-yan Lee at Tsung-han Huang ang kukumpleto sa

Taipei White starting cast na magbibigay ng problema sa Gilas.

comments powered by Disqus

mofuse.com