Gilas kukumpletuhin ang sweep sa Group B

By Russell Cadayona

image

Sx a naitalang dalawang sunod na panalo ay napasakamay na ng Gilas Pilipinas ang outright quarterfinals seat sa 2017 FIBA Asia Cup.

MANILA, Philippines -  Sx a naitalang dalawang sunod na panalo ay napasakamay na ng Gilas Pilipinas ang outright quarterfinals seat sa 2017 FIBA Asia Cup.

Ngunit gusto pa rin ng Nationals na kumpletuhin ang ka­nilang pagwalis sa Group B bago makipagbakbakan sa quarterfinals.

Lalabanan ng Gilas ang Qatar ngayong alas-9 ng ga­bi sa kanilang huling asignatura sa elimination round sa  Nouhad Nawfal Sports Complex sa Beirut, Lebanon.

Matapos talunin ang nagdedepensang China, 96-87, noong nakaraang Miyerkules at ang Iraq, 84-68, noong Biyernes ay ganap na nakamit ng Nationals ang automatic berth sa Final Eight.

Sa naturang panalo laban sa Iraq ay naghulog ang Gi­las ng 19-0 bomba sa third quarter sa pangunguna nina 6-foot-8 Fil-German center Christian Standhardinger at scoring guard Terrence Romeo.

Nagsalansan si Standhardinger ng 10 sa kanyang 16 points sa third quarter, habang humugot si Romeo ng 11 sa kanyang 17 markers para ibaon ang mga Iraqis sa 56-35 kalamangan mula sa 32-31 abante sa halftime.

Sa nasabing yugto ay sinandigan ni national head coach Chot Reyes ang matibay na depensa ni Gabe Norwood at ang pagtutulungan nina Carl Bryan Cruz, RR Pogoy at Matthew Wright.

Umiskor sina Cruz, Pogoy at Wright ng pinagsamang 28 points at nalimitahan naman ni Norwood si Iraqi natura­lized player Kevin Galloway sa third quarter.

Sa first half ay nagtala ang one-time US NCAA Southwestern Athletic Conference first-teamer ng 15 points, 9 rebounds, 6 assists at 2 steals para sa Iraq.

Samantala, paglalabanan naman ngayon ng China (1-1) at Iraq (1-1) ang second at third spots sa group play.

comments powered by Disqus

mofuse.com