Alab Pilipinas gustong makabangon vs Thailand

By Francisco Cagape

MANILA, Philippines — Hangad ng Alab Pilipinas na makabangon agad mula sa kabiguan sa ka­nilang pakikipagsagupa sa Thailand Mono Vampire sa pagpapatuloy ngayon ng 2017-2018 ASEAN Basketball League sa Stadium 29 sa Bangkok, Thailand.

Bunga ng nalasap na kabiguan sa mga kamay ng Singapore Slingers noong Miyerkules, kailangan ng tropa ni coach Jimmy Alapag na maipanalo ang laban sa alas-7 ng gabi sa balwarte ng Mono Vampire upang mapaganda ang kanilang dumadausdos na kampanya kung saan nalagay ang Pinoy squad sa ika-6 na puwesto taglay ang 3-4 win- loss slate.

Patuloy na  nangunguna ang walang talong Chong Son Kung Fu ng China (4-0) kasunod ang Hongkong Eastern Lions (7-1),  Thailand Mono Vampire (5-3), Singapore Slingers (4-5)  at Saigon Heat (3-2).

Inaasahang hindi magiging magaan para sa koponan ni Alapag ang labang ito dahil bilang paghahanda pinalitan ng Thailand team ang kanilang import na si Patrick Sanders ni  Michael Singletary.

Ayon sa balita, ang 6’5 na Singletary na dati ring naglaro bilang import ng PBA ay pangtapat ng Mono Vampire kay 6’7 Justin Brownlee.

Bukod kay Singletary at Brownlee, magtatagisan din ng husay ang isa pang import ng Thailand na si 6’10 Reginald Johnson ng US laban kay 6’8 Renato Balkman ng Alab Pilipinas na umiskor ng 24 puntos at 12 rebounds laban sa  Slingers.

Ayon kay Brownlee ang resident import ng Barangay Ginebra noong nakaraang taon, kailangan   nila ang suporta ng mga local players ng Alab kagaya nina Bobby Ray Parks Jr, Dondon Hontiveros, Josh Urbiztondo, Rico Maierhofer at heritage import na si Lawrence Domingo para maipanalo ang laro.

comments powered by Disqus

mofuse.com