Cash incentives natanggap na ng mga SEAG medalist

By Chris Co

image

Tinanggap ni judo player Kiyomi Watanabe ang cash incentive mula kay Pangulong Rodrigo Duterte. Kasama rin sa larawan si PSC Chairman William Ramirez sa Malakanyang. Larawan kuha sa facebook page ni Irene Watanabe

MANILA, Philippines — Mismong si Pangulong Rodrigo Duterte ang nagbigay-pugay sa kabayanihan ng mga atletang nagwagi ng medalya sa katatapos na 2017 Southeast Asian Games na ginanap sa Kuala Lumpur, Malaysia.

Muling binuksan ni Duterte ang pintuan ng Malakanyang sa mga atletang nagbuwis ng dugo’t pawis upang mabigyan ng karangalan ang bansa sa naturang biennial meet.

Bitbit ang kanilang medalya, nagtungo ang pambansang delegasyon sa Malacañang Heroes Hall suot ang pulang track suit na siyang ginamit ng Pilipinas sa medal ceremony.

Naging highlight ng programa ang pamamahagi ng insentibo sa mga atletang nagwagi ng medalya kung saan tumanggap ng P300,000 ang mga gold medalists, P150,000 ang silver medalists at P60,000 naman ang bronze medalists.

Mismong si Duterte ang naggawad ng cash rewards sa mga gold medalists habang sina Executive Secretary Salvador Medialdea, Presidential Adviser on Sports Dennis Uy, House Committee on Youth and Sports chairman Conrado Estrella III ang namahagi sa mga silver at bronze medalists.

“Wear those medals with pride,” wika ni Medialdea.

Nagbigay ng karagdagang P50,000 para sa gold, P30,000 para sa silver at P10,000 para sa bronze winners ang Presidential Adviser on Sports.

Nanguna sa listahan ng mga dumalo si three-time gold medalist Kiyomi Watanabe ng judo, back-to-back champion Nikko Huelgas ng triathlon, marathon queen Mary Joy Tabal, Eumir Felix Marcial ng boxing, Sammuel Thomas Morrison ng taekwondo, John Syquia ng equestrian, Agatha Wong ng wushu at sina Chezka Centeno at Carlo Biado ng billiards.

Pinangunahan naman ni Philippine Sports Commission chairman William Ramirez kasama sina commissioners Mon Fernandez, Celia Kiram, Arnold Agustin at Charles Maxey ang listahan ng mga opisyal na dumalo gayundin si Philippine Olympic Committee president Jose Cojuangco.

Kabuuang P18,037,500 milyon ang ipinamahagi ng PSC sa mga atleta habang P7,181,250 milyon naman para sa mga coaches.

Nag-uwi ang Pinoy a­thletes ng 24 ginto, 33 pilak at 64 tanso sa Malaysia Games - ang pinakamasamang produksiyon ng Pilipinas sa naturang biennial meet sa nakalipas na mga dekada.

comments powered by Disqus

mofuse.com