Corpuz siblings kumubra pa ng 3 ginto

By CCo

image

Ipinakita ng magkapatid na Alister Archer (kaliwa) at Francino Archer Corpuz  ang mga medalyang kanilang napanalunan sa 2018 Indian Ocean All-Star Challenge sa Perth, Australia.

MANILA, Philippines — Bumanat pa ang Philippine Swimming League (PSL) ng tatlong ginto at dalawang tansong medalya sa pagtatapos ng 2018 Indian Ocean All-Star Challenge na ginanap sa HBF Stadium sa Perth, Australia.

Muling nagningning ang magkapatid na sina  Alister Archer at Francino Archer Corpuz na parehong pambato ng Diliman Preparatory School.

Umani si Alister Archer ng dalawang gintong medalya sa girls’ 8-year event kung saan namayagpag ito sa 50m backstroke sa bilis na 52.73 segundo.

Tinulungan pa ni Alister Archer ang Team Asia sa pagsungkit ng gintong medalya sa girls’ 8-year 4x50m medley relay.

Naging bahagi naman si Francino Archer ng Team Asia na umani ng gintong medalya sa boys’ 10-year 4x50m medley relay habang nagdagdag pa ito ng dalawang tanso buhat naman sa 50m backstroke (41.99) at  100m butterfly (1:33.19) events.

“It was an awesome performance for these young swimmers who are products of PSL’s grassroots develop­ment program. Winning medals against the world’s best young swimmers is such a great achievement not only for them but also for the whole country,” wika ni PSL president Susan Papa.

Sa kabuuan, uuwi ang Corpuz siblings tangan ang limang ginto, tatlong pilak at dalawang tansong medalya.

Nauna nang nakaginto si Alister Archer sa 4x50m freestyle relay at pilak naman sa 50m butterfly (48.80) at 50m freestyle (38.60) events habang nakaginto rin si Francino Archer sa 4x50m freestyle relay at pilak sa 50m butterfly event (39.18).

“We would also like to thank DPS president and former senator Nikki Coseteng for her unwavering support to these young swimmers. We will continue sending swimmers abroad to further hone their skills and to be at par with the world’s best swimmers,” dagdag ni Papa.

Sunod na darayo ang PSL sa Ilocos upang pumili ng mga bagitong tankers na ipadadala sa mga international competitions.

Gaganapin ang 135th PSL National Series sa Vigan sa Abril 21 - isang araw matapos ang 2018 Palarong Pambansa na gaganapin din sa parehong venue.

comments powered by Disqus

mofuse.com