FEU maraming itatama para sa hirit na rubber match vs NU

MANILA, Philippines — Maraming dapat a­yusin ang Far Eastern University kung nais nitong maipuwersa ang rubber match laban sa National University sa Premier Volleyball League Collegiate Confe­rence best-of-three championship series.

Unang tututukan ng Lady Tamaraws kung paano malilimitahan ang ka­nilang unforced errors partikular na sa service area.

Lumasap ng 22-25, 25-21, 18-25, 24-26 kabiguan ang Lady Tams sa Lady Bulldogs sa series opener noong Miyerkules sa The Arena sa San Juan City kung saan 27 puntos ang libreng ibinigay ng FEU sa NU mula sa kanilang errors.

Hawak na sana ng FEU ang momento sa fourth set para madala ang laban sa deciding fifth set.

Subalit ilang krusyal na service errors ang nagawa ng Lady Tamaraws para tuluyang ipaubaya ang panalo sa Lady Bulldogs.

“That crucial point which led to a service error should have been ours. I guess it’s the mindset. We collapsed in the end,” ani Lady Tams mentor Georga Pascua.

Maliban sa errors, nais din ni Pascua na mapa­lakas ang kumpiyansa ng kanyang bataan partikular na sa mga gitgitang bakbakan.

Nais nitong gamitin ang kanilang kabiguan sa Game 1 upang mas ma­ging determinado ang Lady Tamaraws at matutunan ang anumang pagkakamaling nagawa nila.

“I am satisfied because they gave their best. It’s just that they succumbed in the end. It will only make us strong in Games Two and Three. It also happened to us in the best-of-three before. So I told them we should learn from that,” dagdag ni Pascua.

Hindi naglaro sina FEU top hitter Bernadeth Pons at libero Kyla Atienza.

Ngunit ayaw itong ga­wing dahilan ni Pascua sa kanyang kabiguan.

Hangad nitong mag-step up ang mga beteranong manlalaro upang punan ang naiwang puwesto nina Pons at Atienza.

Kinakailangan ng FEU ng solidong laro mula kina Toni Basas, Jerrili Malaba­nan, Kyle Negrito, Angel Cayuna at Ria Duremdes na mga beterano na matapos magkampeon sa kani-kanilang mother clubs sa commercial leagues. (CCo)

comments powered by Disqus

mofuse.com