E-Painters kampeon sa mini tournament

By Russell Cadayona

MANILA, Philippines — Sa kabila ng kabiguan ng Rain or Shine ay idineklara pa ring kampeon ang Elasto Painters sa four-team mini tournament ng Philippine Basketball Association.

Pinadapa ng Alaska ang Rain or Shine, 110-97  tampok ang hinakot na 19 points, 7 rebounds at 3 assists ni Gilas Pilipinas small forward Calvin Abueva kahapon sa Upper Deck Sports Center sa Ortigas.

Ito ang unang panalo ng Aces ni mentor Alex Compton sa tatlong laro na nilahukan din ng Phoenix Fuel Masters at NLEX Road Warriors.

Tinapos naman ng Elasto Painters ni coach Caloy Garcia ang torneo sa binitbit na 2-1 marka.

Nag-ambag si rookie guard Jeron Teng ng 15 points at 4 assists  habang nagposte sina Vic Manuel at Ronald Pascual ng tig-12 markers para sa Alaska.

Nagdagdag naman ng 11 at 10 points sina Simon Enciso at Carl Bryan Cruz, ayon sa pagkakasunod.

Tumipa si Ed Daquioag ng 18 points at may tig-13 markers sina Chris Tiu at Maverick Ahanmisi sa panig ng Rain or Shine.

Samantala, tinalo ng Fuel Masters ang Road Warriors, 111-104 kung saan nagposte ng 21 points, 4 rebounds at 2 assists si rookie Jayson Perkins.

Nagdagdag si Jeff Chan ng 17 points  habang may tig-15 markers sina Justin Chua at Matthew Wright para sa 2-1 baraha ng Phoenix.

Pinamunuan ni Larry Fonacier ang NLEX mula sa kanyang 18 points kasunod ang 15, 12 at 10 markers nina Raul Soyud, JR Quiñahan at Kiefer Ravena, ayon sa pagkakasunod.

comments powered by Disqus

mofuse.com