Biado at Chua tuluyan nang nasibak sa quarters ng World Cup of Pool

By Chris Co

MANILA, Philippines - Tuluyan nang naglaho ang pag-asa nina Pinoy pride Carlo Biado at Johann Chua matapos yumukod sa quarterfinals ng prestihiyosong 2017 World Cup of Pool kahapon sa The York Hall, sa London, England.

Lumasap sina Biado at Chua ng 2-9 kabiguan laban ki­na Wu Jiaqing at Dang Jinhu ng China sa torneong may basbas ng World Pool-Billiard Association.

Gayunpaman ay uuwi sina Biado at Chua na bitbit ang $9,000 bilang consolation prize.

Makakasagupa nina Wu at Dang sa semifinals sina reigning WPA World Pool 9-Ball champion Albin Ouschan at Mario He ng Austria na namayani kina Imran Majid at Daryl Peach, 9-7, ng England-B.

Magtutuos naman sa hiwalay na semis match sina de­fending champions Ko Pin Yi at Chang Yu Lung ng Chinese-Taipei at Shane Van Boening at Skyler Woodward ng Amerika.

Tinalo nina Ko at Chang sina Naoyuki Oi at Hijikata Hayato ng Japan, 9-2, habang nanaig naman sina Van Boening at Woodward kina Mika Immonen at Petri Makkonen ng Finland, 9-4.

Nakalaang tumataginting na $250,000 kabuuang papremyo tampok ang $60,000 sa magkakampeon at $30,000 para sa runners-up.

Hawak ng Pilipinas ang pinakamaraming titulo sa tor­neo tangan ang tatlong korona - dalawa mula kina Efren ‘Bata’ Reyes at Francisco ‘Django’ Bustamante noong 2006 at 2009 at isa kina Dennis Orcollo at Lee Vann Corteza ang korona noong 2013 edisyon.

May tsansa ang China na mapantayan ito kung mag­kakampeon sina Wu at Dang ngayong taon.

Naghari ang China noong 2007 at 2010 edisyon mula kina Li He-wen at Fu Jian-bo.

comments powered by Disqus

mofuse.com