Generals pinigil ang Scorpions

By Francisco Cagape

Laro Ngayon (Pasig City Sports Center)

2 p.m. University of Perpetual Help  vs Zark’s Burger-Lyceum       

4 p.m.  Che’Lu Bar-SSC-R    vs   Marinerong Pilipino

MANILA, Philippines — Nadiskaril ang asam ng Centro Escolar University na masikwat ang outright semifinal berth matapos yumuko sa dating kulelat na Batangas-EAC, 87-89 sa pagpapatuloy kahapon ng 2018 PBA D-League Aspirants’ Cup sa Pasig Sports Center sa Pasig City.

Binalewala ng  Gene­rals ang 24 puntos na deficit at umarangkada ng 16-5 rally tungo sa malaking panalo.

Nagpakita rin ng matikas na laro si team captain Cedrick de Joya upang masungkit ang kanilang ikalawang panalo sa sampung laro.

Umiskor si De Joya ng sampu sa kanyang kabuuang 18 puntos sa laro sa ikaapat na yugto ka­bilang  ang isang triple ma­higit 42.3 segundo ang natitira para iangat ang Batangas sa 87-85 kalamangan.

Malaki ring kawalan para sa dating solo leader CEU Scorpions ang injury ni Congolese center na si Rodriguez Ebondo. Ang 6’7 na si Ebondo ay hindi nakalaro dahil sa back injury kaya humina ang laro ng CEU Scorpions sa gitna.

Ang isa pang malaking dahilan sa kabiguan ng Scorpions ay ang ejection ni playmaker Orlan Wamar bunga ng kanyang pagtapon sa bola sa referee sa unang yugto pa lamang.

Dahil sa kanilang pagkatalo, bumagsak ang Scorpions ni coach Yong Garcia sa ikatlong puwesto sa 8-3 win-loss kartada sa likuran ng Akari-Adamson Falcons at Marinerong Pilipino Skippers na nagsosyo sa liderato sa parehong 8-2 card.

Kaya nagdelikado na ang hangarin ng CEU Scorpions na outright semis berth.

Kailangang manalo ngayon ng Marinerong Pilipino laban sa Che’Lu Bar and Grill-San Sebastian para masungkit ang isa sa dalawang semis slots.

Ang Akari-Adamson Soaring Falcons naman ay haharap sa Jose Rizal University Heavy Bombers sa Huwebes para angkinin ang ikalawang semis berth.

“At least, ‘Yung preparations na ginawa namin sa Holy Week ay nagbunga. Hindi nasayang ang aming pagsisikap. We really prepared hard for this game. Luckily, Ebondo (Rod) did not play. Talagang para sa amin ang larong ito. We have been preparing a lot for Ebondo,” sabi ni Batangas-EAC coach Ariel Sison.

Umani ng 15 puntos si Philip Tampoc habang si Cris de la Peña at Jerome Garcia ay nag-ambag ng tig-13 puntos para sa Batangas-EAC.

Pinangunahan naman ni Judel Fuentes ang CEU Scorpions sa kanyang game high 26 puntos.

comments powered by Disqus

mofuse.com