Sereno: Pagpapatalsik sa kinasusuklaman

SAPOL By Jarius Bondoc

KUNG totoong malakas ang kasong impeachment laban kay Chief Justice Maria Lourdes Sereno, huwag na sana patagalin ng House of Reps ang pagsasakdal. Simulan na agad ang paglilitis sa Senado.

Tumataginting na 27 ang kaso laban kay Sereno. Ka­ramiha’y may kinalaman sa pagyurak sa collegial decisions ng Korte Suprema, pag-iimbento ng mga uma­no’y en banc decisions, marangyang pagbiyahe, maano­malyang pagbili ng bullet-proof SUV, pag-iwas sa buwis sa kinita bilang private lawyer ng gobyerno sa NAIA-3 anomalies, at kulang-kulang na Statements of Assets, Liabilities, and Net Worth bilang propesora ng batas sa state-owned University of the Philippines.

Masamang pangunguna ang quo warranto petition na patalsikin si Sereno ng Korte mismo. Saad sa Konstitusyon na impeachment lang ang paraan ng pagtanggal sa Chief Justice. Kung hanapan siya ng butas ng Korte, lahat na ng mahistrado ay maaring patalsikin sa boto lang ng mayorya. Wala nang menorya.

Bulung-bulongan na hindi makukuha ang two-thirds vote -- 16 sa 24 na senador -- para i-convict si Sereno. Kulang ng isa ang ruling coalition dahil naging foreign secretary, at kanya-kanya na ang iba pang kasapi. Kung anak nga mismo ni President Rody Duterte ay tumiwalag sa ruling PDP-Laban party, e ‘yung mga nakaangkas lang pa kaya?

Pero maabsuwelto man si Sereno, ang babalikan niyang Korte ay enemy territory na. Labintatlo sa 14 na mahistrado ay kontra sa kanya. Pati mga opisyales at empleyado ng Korte ay asiwa sa kanya. Hindi niya sila puwedeng palitan; may security of tenure sila.

Sa gan’ung sitwasyon, dapat pag-isipan ni Sereno ang dapat gawin. Hindi ang mga panunuya ng kalaban kundi ang sira nang pamumuno ang dapat magbunsod sa kanya na kusang magbitiw.

* * *

Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).

comments powered by Disqus

mofuse.com