EDITORYAL - May kalbaryo pa kaya sa MRT-3?

image

TAPOS na ang Semana Santa. Nakapagnilay-nilay na ang marami. Nalampasan na ang pagpipinitensiya at pagsasakripisyo. Naidaos nang maluwalhati ang mga panata. Balik sa trabaho ang maraming empleado sa araw na ito. Gigising nang maaga para hindi maatrasado sa pinapasukang kompanya o pabrika.

Pero hindi kaya kalbaryo pa rin ang suungin ng mga empleado at trabahador sa sasakyan nilang Metro Rail Transit-3 (MRT-3) patungo sa kanilang tanggapan at pabrika. Hindi kaya pagsakay nila, gugulantangin sila sa pahayag ng mga taga-MRT na tigil muna ang biyahe sapagkat may aberya at kailangang lumipat sa ibang tren ang mga pasahero.

Pero sabi ng Department of Transportation (DOTr), hindi na mangyayari ang mga naranasan ng pasahero sapagkat inayos na ang mga train noong nagdaang Semana Santa. Apat na araw umanong kinumpuni ang lahat nang sira ng mga tren kaya sa araw na ito, 15 tren na ang bibiyahe. Kung dati ay 10 tren lamang ang bumibiyahe, na­­dagdagan ito ng lima kaya sa araw na ito, 15 tren na ang yayaot sa EDSA at hindi na magkaka­aberya ang mga ito.

Sabi ni DOTr Sec. Arthur Tugade na naging puspusan ang pagkukumpuni sa mga train ng MRT kaya makakaasa ang daang libong commu­ters na hindi na sila mali-late sa kanilang mga trabaho. Mababawasan na rin umano ang mahabang pila. Ayon pa kay Tugade, apat hanggang limang minuto na lamang ang ipaghihintay ng mga pasahero.

Masusubukan ngayong araw na ito kung maka­kapagsilbi na nang maayos ang MRT sa riding public. Makikita ngayon kung hindi na dadanas ng kalbaryo ang mga commuter. Sana totoo lahat ang sinabi ng DOTr Secretary para naman maranasan ng publiko ang maginhawang pagbibiyahe na halos araw-araw ay nagkakaroon ng aberya. Sana nga tapos na ang kalbaryo at wala na ang mga sandaling ang bawat pasahero ay umuusal ng dalangin na huwag masira ang MRT.

comments powered by Disqus

mofuse.com