Peligrosong kape?

K KA LANG? By Korina Sanchez

NOONG Miyerkules, nagbaba ng desisyon ang isang huwes sa California, na kailangang lagyan ng babala ang kape, tulad ng mga babala sa mga sigarilyo. May pag-aaral na ginawa kung saan may sangkap daw ang kape, ang acrylamide, na nakukuha sa pagluto nito ay may kaugnayan sa cancer. May grupo na nagsampa nga ng demanda laban sa mga kilalang kumpanyang kape, dahil sa kawalan ng babala raw sa kanilang produkto. Ilang taon nang tumatakbo ang kaso. Pero bago kayo tumigil sa kaiinom ng inyong paboritong kape sa umaga, kailangan ninyong malaman na noong 2016, tinanggal ng WHO ang kape sa listahan ng mga pagkain na may posibleng kaugnayan sa cancer.

Bagama’t totoo na malaki ang kaugnayan ng acryla­mide sa cancer, masyadong maliit daw ang nasabing sangkap sa kape, ayon sa ilang dalubhasa. At maraming pagkain daw ang may sangkap na acrylamide kapag niluluto, tulad ng fench fries. Mas maraming kinakain na french fries naman ang tao kaysa sa pag-inom ng kape. At eto pa, may pag-aaral na may benepisyo naman ang kape sa mga ugat natin. Sa ginawang pag-aaral, nakita nila na higit limampung porsyento ng mga nakilahok na umiinom ng dalawa, tatlo o, higit pang tasa ng kape bawat araw ay may mas konting deposito ng calcium sa kanilang mga ugat. Ang pagdeposito ng calcium sa ugat ang sanhi ng pagbara nito, na maaaring mauwi sa atake sa puso o stroke.

Iba na ang mundo ngayon. Ang impormasyon, totoo man o hindi, ay napakabilis na makarating sa atin. Kaya ang importante ay siyasatin mismo ang mga impormas­yon. Salain kung ano ang totoo at kung ano ang “fake news”. Pagdating sa kalusugan, maraming pag-aaral, pagsisiyasat at balita tungkol sa mga benepisyo, at kasamaan ng iba’t ibang pagkain. Baka wala na tayong makain kung lahat ay masama nito, masama niyan. Ang sabi nga, pag dating sa pagkain, hinay-hinay lang. Lahat naman ng bagay, kapag sumobra, ay may kasamang masamang epekto sa katawan. Ngayon, kung hindi kayo makadesisyon kung masama o mabuti ang kape, uminom na lang ng tsaa o tubig.

comments powered by Disqus

mofuse.com