Hindi puwedeng ipitin ang Commission on Human Rights

AKSYON NGAYON By Al G. Pedroche

KAPAG may mga nangyayaring pang-aabuso sa karapatang pantao sa ating lipunan na kinasasangkutan ng pama­halaan, ang Commission on Human Rights (CHR) ang unang gumagawa ng ingay sa pagbatikos sa pamahalaan. Ngunit tila puro tahol lang ito at hindi makagat ang tigasing administrasyon.

Kinainisan ni Presidente Duterte ang Komisyon dahil­ nangunguna ito sa mga sektor na kumokondena sa ma­ra­ming extra judicial killings (EJK) sa bansa dulot ng  pus­pusang war on drug na inilunsad ng pamahalaan. Kung ang United Nations nga ay kayang-kayang alipustahin ni Duterte, ang isa pa kayang opisina lamang ng pamahalaan?

Batid naman natin na ang Mababang Kapulungan ng Kongreso ay laging kakampi ng administrasyon. Kung kanino galit ang Presidente, galit din ito. Obyus na obyus­ na ito ang dahilan kung bakit ang ibinigay na pondo ng Mababang Kapulungan sa CHR ay “isanlibong piso lang” para sa papasok na taon. Iyan din ang budget na ibinigay­ sa Energy Regulatory Commission na kinaiinisan din ng Pangulo. Whatever Digong wants, Digong gets.

Tingin ko naman, simboliko lang iyan para ipakita ng Mababang Kapulungan ang pagkairita sa CHR na tinutupad lang ang tungkulin. Naniniwala ako na pagdating­ sa bi­ca­meral proceedings, maaaprobahan din ang kina­­ka­ilangang budget ng komisyon. Alam kong hindi naman papayag ang mga Senador na tanggalan ng budget ang isang constitutional body tulad ng CHR. Ang CHR ay isang indipindiyenteng opisina na binuo sa ilalim ng 1987 Constitution ng Pilipinas. Ito ang magmomonitor at nagsisiyasat sa lahat ng mga kaso ng paglabag sa karapatang pantao na may kaugnayan sa civil at political rights sa ating bansa.

Nabuo ang tanggapang ito bilang pangontra sa posibilidad na magkaroon ng diktaduryang pamahalaan gaya ng pamahalaang Marcos.

Pero kung mayroong isang tigasing administras­yon tulad ng pamahalaang ito, hindi rin pala uubra ang kapangyarihan ng isang ahensya, kahit pa ito’y binuo ng Saliganbatas. Ngunit sana naman, maisip din ng ating Pangulo na kung hindi mag-iingay ang CHR sa harap ng mga nangyayaring patayan kaugnay ng war on drugs, ano pa ang magandang silbi nito bilang tanod ng demokrasya? The problem is, the lap dogs butcher the watchdogs – alas!

 

comments powered by Disqus

mofuse.com