Epekto sa Pilipinas ng awayang Arabo

SAPOL By Jarius Bondoc

NANG putulin ng Saudi Arabia at siyam pang bansa ang diplomatic ties sa Qatar, agad nagyabang sa Twitter si US President Donald Trump. Nagbunga na umano ang pagbisita niya kamakailan sa Middle East. Pahiwatig nu’n na siya ang nagbunsod sa hari ng Saudis na akusahan ang emir ng Qatar ng pagkiling sa mga Islamist terrorists.

Pero agad din nagbago ng tono si Trump. Nabatid niya marahil na malalim ang pagkakaibigan ng America at Qatar. Kung tutuusin nga, nasa Qatar ang pinaka-mala­king US air force base sa Middle East -- 11,0000 personnel. At bukod sa masigla ang kalakalan ng America at Qatar, malaki rin ang puhunan ng mga Qatari sa mga negosyo sa una. Pero huli na ang lahat. Naasiwa na ang Qatar sa agarang pagkampi ni Trump sa Saudi, at galit din ang Saudi sa pag-urong-sulong niya sa isyu.

 Dapat umiwas ang Pilipinas maipit sa away ng dalawang magkapit-bansang Arabo. Malaki ang pakinabang ng Pilipinas sa kanila. Mabuting panatilihin ang neutra­lity, para walang sabit.

Mahigit 700,000 ang overseas Filipino workers sa Saudi Arabia, at 200,000 sa Qatar. Tiyak na dahil sa alitan nila ay may mga negosyong masasaktan sa mag­kabilang panig. Kung mapilitan magbawas ng empleyado ang mga naturang negosyo, uunahin ang mga dayuhan. Dapat mapanatili ang magandang imahe ng Pilipinas para mailigtas ang mga OFWs.

Source din ng langis at natural gas ng Pilipinas ang Middle East. Pinaka-malaking oil producer ang Saudi Arabia, at ng natural gas ang Qatar. Bahagi ng Petron ang Saudi Aramco. Kung neutral ang Pilipinas, mapa­panatili nito ang patas na presyuhan ng fuel.

Malaki rin ang pakikipag-kalakal ng Pilipinas sa dalawang bansa. Kapwa sila umaangkat ng gulay at prutas mula sa Pilipinas. Namumuhunan sila sa mga negosyo at nagbibigay ng ayuda sa Min­danao. Malaking tulong sila sa pagkamit ng kapayapaan sa Timog.

comments powered by Disqus

mofuse.com