EDITORYAL - BOC: Bureau of Corruption

image

UMAALINGASAW ang corruption sa Bureau of Customs (BOC). Masangsang ang amoy na nakakabaliktad ng sikmura. Itinuro na ng isang broker ang mga opisyal ng BOC na sangkot sa pagpapalusot ng shabu mula China. Pero sa kabila nito, wala pa ring ginagawang aksiyon si Pres. Rodrigo Duterte. Nakapagtataka sapagkat hindi biro ang naipalusot na kargamento sa BOC --- shabu. Galit sa shabu si Duterte sapagkat sinisira nito ang kinabukasan ng kabataan. Isa sa campaign promise niya noong May 2016 election ay maging drug-free ang Pilipinas. Pero paanong magiging drug-free ang bansa gayung dumadagsa ang shabu at sa Customs pa pinadadaan kasabwat ang mga corrupt na opisyal. Masangsang ang corruption sa BOC pero hindi yata maamoy ni Duterte.

Noong nakaraang Abril, mariing sinabi ni Duterte na may “maamoy” lang daw siyang corruption na kinasasangkutan ng kanyang tauhan, sisibakin agad niya. Kahit daw maliit lang na corruption, sisibakin niya. Wala na raw kuwestiyun-kuwestiyon pa.

Unang nasampolan si DILG Sec. Ismael Sueno na inakusahang nagpayaman umano sa puwesto. Marami raw itong ari-arian pero hindi maipaliwanag kung paano nabili.

Sunod na sinibak si Usec. Halmen Valdez na mula sa tanggapan ni Cabinet Sec. Leoncio Evasco Jr. Sinibak din ni Duterte si National Irrigation Administration (NIA) administrator Peter Laviña.

Noong nangangampanya pa si Duterte, ipina­ngako niya na walang puwang sa kanya ang kati­walian at malinis na gobyerno ang kanyang ihahandog sa sambayanan. Nagbabala na rin siya sa kanyang mga ini-appoint na huwag siyang hihiyain sapagkat maghihiwa-hiwalay sila. Hindi raw niya ito-tolerate ang mga kaalyado o kaibigan na gagawa ng corruption.

Pero hindi ganito ang nangyayari ngayon sapagkat umaalingasaw na ang corruption sa BOC ay wala pang ginagawang aksiyon si Duterte laban kay BOC commissioner Nicanor Faeldon. Naaamoy pa ba niya ang corruption sa Customs?

comments powered by Disqus

mofuse.com