Binalik na ang PNP

K KA LANG? By Korina Sanchez

IBINALIK na ni Pres. Rodrigo Duterte ang PNP sa kampanya kontra iligal na droga, pero PDEA pa rin daw ang pangunahing ahensiya na mamamahala sa kampanya. Sa madaling salita, tutulungan ng PNP ang PDEA sa mga operasyon nito kontra droga. Matagal nang inamin ng PDEA na kulang na kulang sila sa tauhan, pondo at kagamitan para sugpuin ang iligal na droga, kaya ikina­tuwa nila ang tulong na maibibigay ng PNP at iba pang ahensiya na inatasan ding tumulong sa kanila.

Ang gusto kong makita ay kung magpapatuloy ang PDEA sa kanilang mga tagumpay sa paghuli sa mga supplier ng droga. Sa loob ng dalawang buwan, maraming supplier ng droga ang nahuli ng PDEA. Hindi ang mga mahihirap na iilang pakete lang ng droga ang kanilang nahuli, kundi mga kilo-kilong droga na nagkakahalaga ng milyong piso. At sa aking kaalaman ay isa lang ang naki­pagbarilan sa kanila, na kanila namang napatay sa enku­wentro.

Napansin din ito ni Supreme Court Senior Associate Justice Antonio Carpio. Tinanong si Solicitor General Calida kung bakit mga maliliit na sangkot sa iligal na droga lang ang nahuhuli ng mga pulis, at hindi mga malala­king drug lord. Nasa China raw kasi ang drug lords, ayon kay Calida. Pero karamihan ng mga nahuli ng PDEA ay mga Pilipino. Siguro dapat sa PDEA magtanong ang PNP kung sino ang huhulihin nila. Kung magsasanib puwersa na ang dalawang ahensiya laban sa droga, baka mas maraming mahuling malalaking supplier ng droga, at hindi lang mga mahihirap sa kalsada.

Kailangan ding makita kung magiging madugo na naman ang kampanya ng PNP. Ilang buwan ding nakapa­hinga ang bansa sa halos araw-araw na balita ng mga napapatay sa mga operasyon ng PNP noon. Nga­yong balik na naman ang PNP sa digmaan kontra droga, marami kaya ang “manlaban” na naman?

comments powered by Disqus

mofuse.com