10 terrorists pa ang nasa Marawi

DURIAN SHAKE By Edith Regalado

SINABI ni Armed Forces spokesman Maj. Gen. Restituto Padilla na 10 Islamic State-linked Maute terrorists pa ang nasa Marawi City at nakikipaglaban.

Ayon kay Padilla, mauubos ang 10 terorista sa bakbakan kahapon sa main battle area ng Marawi.

Sana nga magkatotoo ang sinabi ni Padilla dahil nga may anim na araw na simula noong napatay ang mga leader ng terrorist group na sina Isnilon Hapilon at Omar Maute at idineklara na ni President Duterte na “Marawi City is liberated from terrorists”. 

Sana sa paglipol ng 10 naiiwan ay matutuldukan na ang conflict sa Marawi at mamumuhay na nang matiwasay at tahimik ang mga Maranao. 

Bagama’t nakapagdeklara na ang Presidente ng “liberation of Marawi City” noong Lunes patuloy pa rin ang mangilan-ngilang putukan sa pagitan ng Maute terrorists at government forces sa may main battle area.

Umaasa akong manunumbalik na ang sigla sa Marawi  sa kabila ng malawak na pinsala na dulot ng limang  buwang bakbakan. 

Hindi ko makalimutan ang mukha ni President Duterte noong siya ay nakipagkita sa loob mismo ng Kremlin Grand Palace kay Russian President Vladimir Putin bago niya madaliang nilisan ang Moscow upang harapin ang gulo sa Marawi noong Mayo 23. 

Hindi nag-atubiling nagdesisyon agad-agad  ang Presidente na i-cut short ang kanyang state visit sa Russia dahil nga sa pag-atake ng mga teroristang Maute sa Marawi. 

At tiningnan ko ang mukha niya noong dineklara niya ang “liberation” ng Marawi noong nakaraang Lunes.

Bakas sa kanyang mukha ang determinasyong pupuksain niya ang Maute terror group.

Ngunit sa kasalukuyan, may 10 pang teroristang naiiwan. 

Sana, matuldukan na ang 10 ito.

comments powered by Disqus

mofuse.com