Hindi fake

REPORT CARD By Atty. Ernest Maceda

MALIBAN sa mga kakilala nating mahilig sa kotse, wala akong nabalitaang nanghinayang o naapektuhan sa demo­lisyong ginawa ng Bureau of Customs sa mga ma­luluhong sasakyan. Mga bagumbagong sasakyan na pinag­papantasyahan tapos makikita lamang na binabasura ng ganoon lang.  Hindi lamang sa Maynila ginanap ang pagsira kundi maging sa Davao at Cebu. At ang saksi ay walang iba kundi ang mismong Pangulo ng bansa, Rodrigo Roa Duterte ang nakamasid.

Ilang administrasyon na ring nakalipas kung saan namayagpag ang ganitong uri ng “smuggling”. Hindi lang magarang kotse ang nasasangkot – lahat ng uri ng pagkain, kagamitan o produkto ay pinapatulan at tinatangkang ipasok na hindi nagbabayad ng kaukulang buwis. Hindi naman ito mga kontrabando. Ayaw lang talaga ng mga nagnenegosyo na umambag sa gastusin ng kanilang pamahalaan.

 Ang mga maluhong sasakyan ang pinakagarapal na halimbawa ng ganitong klaseng kasakiman. Kung may kakayanang bumili ng ganitong luho, may kakayanan ding magbayad ng kaukulang buwis. Subalit pinipili pa ring ipuslit nang lalong lumaki ang kita.

 Ang paninindigang ipinamalas ng Pangulo sa bagay na ito ay nagbibigay inspirasyon sa lahat na seryoso ang administrasyon sa ipinapangakong reporma. Ang dali sanang hayaan na lang ang mga sasakyang makapuslit. Puwede rin sanang gumamit na lang ng mga sasakyang pinamukhang bago. Subalit walang fake fake kay Pangulo.

Kung ang ganitong napakadaling itago ay hindi pinapa­tulan, badya ito ng determinasyon ni Pangulong Duterte na ituwid ang mga kabaluktutang nakikita. Ang ganitong pangitain ay nakakapagpakampante sa isang lipunang na­babahala sa kapalpakan ng mga nakaraang pamahalaan.

comments powered by Disqus

mofuse.com