Di dapat dikdikin ang Dengvaxia

KUNSABAGAY By Tony Katigbak

PINAKAMAINIT ngayon na balita ay ang pagkamatay ng mga naturukan ng Dengvaxia. Araw-araw halos laman ng pahayagan, radio at TV. Masyado namang binibigyan ng pansin itong issue na ito samantalang hindi lang naman Dengvaxia ang kinakaharap na problema ng bansa. Oo ngat nagkasunod-sunod ang pagkamatay ng mga batang naturukan ng dengvaxia pero dapat huwag munang isisi ito na Dengvaxia ang dahilan puwede bang paeksamin muna sa eksperto. OA na ang mga reaksiyon ng ibang mga magulang akala nila susunod na ring mamamatay ang anak nila.

Nung panahon na inalok sa Pilipinas ang Dengvaxia ay kasalukuyang laganap ang dengue sa bansa kahit naman siguro sinong namumuno ang nakaupo ay susunggaban ang Dengvaxia dahil ito ang makakapagpigil sa sakit na dengue. Ginawa lang ni dating DOH Sec. Janette Garin ang akala niya’y tama para sa mga bata upang maiwasan na sila’y magka-dengue rin. Kaya para sa akin iwasan sana ang magsisihan dahil nandiyan na yan, imbes na magsisihan, magtulungan na lang sana tayo upang payapain ang mga magulang na nagpa-panic na.

Para sa mga magulang ng mga batang naturukan ng Dengvaxia, kalma lang sana kayo dahil ang mga doctor na mismo ang nagsasabing walang dapat ikabahala, ginagawa naman nila ang lahat upang tayo’y matulungan. Magtiwala lang kayo sa mga doctor dahil eksperto ang mga ‘yan. Ang mabuting gawin ay maglinis ng kapaligiran upang hindi pamahayan ng lamok na may dalang dengue ang ating pamayanan. Walang basehan upang mag-panic, tiwala lang sa mga eksperto ang kailangan.

Sabi nga nila “Prevention is better than cure”. Yan ang eksaktong ginawa ng DOH kaya binili ang injection na Dengvaxia. May mga importanteng paksa na kailangan din ng malaman ng pangkalahatan imbes na magpokus sa Dengvaxia.

comments powered by Disqus

mofuse.com