Multa sa traffic violation, itaas pa

ORA MISMO By Butch M. Quejada

Dumalang ang mga karag-karag na mga pampasaherong jeepney sa mga kalsada dahil sa operasyon ng gobierno laban sa ‘tanggal bulok, tanggal usok’ sa Metro-Manila, kaya naman apektado dito ang madlang riders.

Sabi nga, kawawa naman sila!

Kasi nga, hindi biro ang laki ng multa na hinahataw sa mga mahuhuling nang-iisnab ng kanilang ipinatutupad na batas trapiko na pinaiiral sa ngayon.

Dapat lang para magtanda!

Ang nakakatuwa pa dito, ‘taguan blues’ pa ang nangyayari kapag nasa kalye ang mga pusa siempre natataranta ang mga daga kung saan lungga sila susuot. Hehehe!

Sabi nga, hanggang kailan magtatago sa mga manghuhuli ang mga bulok at mga colorum vehicles?

Oras na tsambahan ang mga Kamoteng makukulit nang mga manghuhuli, siguradong magkakamot ng ulo nila ang mga ito at halos iiyak sa laki ng multang ibabayad nila dahil ayaw nilang sumunod sa batas.

Buti nga!

During operations time, nagsusumiksik ang mga kamote sa mga lungga na puede nilang pagtaguan pero pag-alis  nang mga manghuhuli back to normal ang operasyon ng mga Kamoteng mga tigasing drivers ng mga bulok at mausok na mga dyip.

Sana araw-arawin ng manghuhuli ang hulihan sa kalye at balik-balikan nila ang lugar na maraming ulol este mali tigasin pala ang mga ulo.

Kambiyo issue, alam nyo bang malaking salapi ang multa sa mga colorum na mahuhuli kaya naman ang lagayan dito ay malaki rin kung mayroon man?

Ang mga tigasin sa ‘tanggal bulok, tanggal usok’ project ng gobierno ay puede agad mawala sa kalye basta lakihan pa o dagdagan ang multang ipapataw.

Imbes na ibabayad nila sa multa eh di ipagawa na lang nila ang kanilang karag-karag na sasakyan basta ang importante ay ‘road worthy’ ang mga sasakyan.

Tumpak ka dyan, Kamote!

Sabi nga, pag may libag este mali lumabag pala hulihin agad tiyak baldado na ang lalabag sa laki ng multang sisingilin sa kanila.

Ika nga, itaas pa ang multa para matapos na ang matinding problema sa kalye.

Kung-kulang sa tao ang mga tagapagpatupad ng batas maraming recruit na sundalo ang magagamit nila para mabantayan at bigyan security ang mga lapastangan este mali ang mga manghuhuli pala.

Hindi lang dapat jeepney ang hulihin sa ‘tanggal bulok, tanggal usok project’ ng gobierno dapat isama na rin ang mga bulok at karag-karag na mga bus, trak at mga tricycle para isahan na lang ang operasyon.

Ang isa pang dapat bantayan ng gobierno ay ang mga barangay officials at LGU’s na nagbibigay ng mga iba’t ibang klase ng permit sa kanilang mga constituents kaya naman nagkakahetot- hetot ang traffic sa kalsada.

Sabi nga, may mga pumapatong pang mga burungoy kawatan sa mga illegal terminal sa lugar nila na sakop ng barangay.

Noong araw mahigpit na pinatutupad ang batas sa traffic hindi puedeng gumala-gala sa main road ang mga tricycle bawal ito dito.

Sa panahon ngayon, ang mga tricycle drivers na ang ‘King of the Road,’ dahil bukod sa mga abusado sa kalsada wala pang mga lisensiya at insurance paano kung maka-dengvaxia este disgrasiya pala?

Naku ha!

Sa Kyusi sangkaterbang mga tricycle na bulok ang nasa pangunahing mga lansangan pa gewang, gewang pa at nagka-counter flow pa ang mga ungas hindi ito pinapansin ng mga burongoy kawatan, DPOS at maging MMDA?

Bakit kaya?

Sa Kyusi may mga terminal pa sila sa mga bangketa at mistulang bulag ang mga barangay sa kanila kaya naman traffic kung nasaan sila.

Sabi nga, marami ito sa Kyusi bukod sa mga talipapa at vendors sa mga bangketa na umaabot pa sa kalye, may mga terminal pa ng jeepney, tricycle at taxi plus mga nakabalagbag na mga buses na naghihintay ng mga pasahero.

Paano kaya ang kalakaran dito?

Sino ang kumikita?

Ika nga, malaking pera ito pag-inipon sa mag-hapon!

Imposibleng walang nagbubulsa ng salapi dito na naipon nila galing sa lagay.

Alam nyo ba na sangkaterbang colorum vehicles ang makikita dyan sa Kyusi?

Halimbawa, sa ilalim ng MRT north station may isang nakatagong terminal ng colorum dito ng mga UV, bulag ang mga traffic enforcers dito?

Bakit?

Dahil kaya sa pitsa?

Itanong ninyo sa kanila.

Sa umaga kapag may  mga media, walang colorum sa ilalim ng MRT North Station sa takot na mabulgar ang mga nakapatong !

Abangan.

comments powered by Disqus

mofuse.com