Kaso vs Noynoy

AKSYON NGAYON By Al G. Pedroche

ANG isyu sa Mamasapano massacre noong 2015 ay isa pa sa mga usaping nakakahati sa mga taumbayan.

Para sa mga kakampi ni dating Presidente Noynoy Aquino, hindi siya dapat usigin sa kasong ito at wala siyang sala. Ngunit para naman sa iba, kailangang papanagutin ang dating Pangulo sa pagkamatay ng may 44 operatiba ng Special Action Force na naatasang dumakip sa international terrorist na si Marwan.

Hanggang sa social media ay matutunghan natin ang bangayan at murahan ng mga taong magkakasalungat ang paniniwala sa isyung ito. Dapat nang matuldukan ang bangayang ito na humahadlang sa pagsulong ng kaunlaran ng bansa.

Kaya tama lang ang kautusan ni Ombudsman Conchita Carpio Morales na pagulungin na ang kaso laban kay Aquino. Sa pamamagitan nito, mabibigyan ng pagkakataon ang dating Pangulo na ihayag ang kanyang panig laban sa mga akusasyon laban sa kanya. Wika nga, he will be given his day in court.

Sandiganbayan ang gagawa ng kaukulang ebalwasyon  sa lahat ng impormasyon sa kaso na siyang magiging basehan kung idedeklarang may sala o walang sala si Aquino. At kung ano man ang magiging pinal na desisyon ng Korte, dapat ito ay igalang ng lahat ng tao, panig man o kontra kay Aquino.

Ayon nga sa tagapagsalita ng spokesperson ni Noynoy na si Abigail Valte, maghaharap sila ng mosyon sa Korte, na siya namang natural at tamang proseso kapag may ganyang mga kaso. Ibig sabihin ay handa silang sagutin, punto-por-punto ang mga alegasyong ibinabato kay Aquino. Hindi na dapat patagaling hindi nareresolba ang usapin. Panahon na para makatikim tayo ng katahimikan at matapos na ang pagkakawatakwatak ng taumbayan dahil sa pulitika.

comments powered by Disqus

mofuse.com