EDITORYAL - Hindi na kabilang ang NAIA sa worst airports

image

MAGANDANG balita ito na tiyak na makakaakit na sa mga dayuhan para bumisita sa bansa. Inalis na ng travel website “The Guide to Sleeping in Airports” ang Ninoy Aquino International Airport (NAIA) sa listahan ng mga worst airport sa mundo at Asia. Pinagbasehan ang mga sumusunod na dahilan kaya hindi na kasali sa worst airports ang NAIA: Komportable na at may sapat na mga upuan para sa mga pasahero, malinis na ang comfort rooms, may sapat na pasilidad para sa mga pasahero gaya nang mabibilhan ng pagkain at iba  pang pangangailangan, may sapat nang seguridad ang mga pasahero at hindi na suplado o masusungit ang mga personnel sa immigration.

Maaring makahatak ng mga turista ang balitang ito para bumisita sila sa bansa. Malaking karangalan na hindi mapabilang sa worst airports. Ang airport kasi ang nagsisilbing salamin ng bansa sapagkat ito ang unang nakikita ng mga dayuhan. Kung sa pagbaba pa lamang ng mga dayuhan ay ang masama o pangit na tanawin sa NAIA ang makikita, paano pa sila babalik dito. Baka sa una pa lamang dalaw nila ay mawalan na ng gana.

Taun-taon ay lagi nang kabilang ang NAIA sa worst airports. Noong 2015 ay lalo nang pinag-usapan ang NAIA dahil sa “tanim bala”. Naging isyu rin ang kawalan ng seguridad sapagkat nagkaroon ng pagpatay o pamamaril sa mismong harap ng arrival area. Pinag-usapan din ang pagnanakaw ng mga crew sa mga bagahe ng pasahero. Pawang alahas ang ninakaw. Mayroon ding pangyayari na bumagsak ang kisame sa NAIA at muntik nang mabagsakan ang isang dayuhan.

Ngayon ay wala na ang masasamang balita sa NAIA. Inaasahan na hindi na muling mapapasama sa listahan ng worst airport ang NAIA at lalo pang pagbubutihin ang serbisyo sa mga pasahero. Sa ganitong paraan, makakatakas nang tuluyan ang NAIA sa masamang imahe na tinaglay sa matagal na panahon. Sana magtuluy-tuloy na ang magandang serbisyo sa NAIA at huwag nang masira pa.

comments powered by Disqus

mofuse.com