P1,500 pensiyon sa Seniors

AKSYON NGAYON By Al G. Pedroche

KUNG may mapupuri tayong napakagandang panukalang batas na niluluto sa Senado, ito ay ang pagbibigay ng buwanang P1,500 pension sa lahat ng senior citizens. Sana maging ganap na batas ito nang walang daraanang aberya at pagtutol ng mga mambabatas.

Marami kasi sa mga kababayan nating lampas na sa edad na 60 ang nabubuhay sa karalitaan at ang nabanggit na halaga, bagamat hindi malaki ay malaking tulong sa ano mang maliit na kinikita anila. Doon naman sa mga retirado na sa trabaho at tumatanggap na ng buwanang SSS o GSIS pension, malaking tulong din ito para matustusan ang pangangailangan sa maintenance medicine nila.

Iniharap na sa Senado ang Senate bill 1750 na akda ni Sen. Grace Poe na naglalayong maamiyendahan ang Republic Act 7432 o ang Expanded Senior Citizens Act of 2010 para maisama sa batas ang P1,500 na buwanang pensiyon ng mga senior citizens.

 Tama ang Senadora. Ang mga senior citizens ay maitu­turing na pinaka-delikado ang kalagayan at marami na rin silang mga pagsubok na kailangang harapin dahil sa kani­lang katandaan.

Sa 1987 Constitution ay kinikilala ang kahinaan ng mga matatanda kaya nagkaroon ng probisyon para sa kanilang proteksyon.

Gayunman, ang pension sa mga seniors na nakasaad sa lumang batas ay hindi sapat dahil ang mga “contributory pensions” ay limitado lamang. Sa ilalim ng kasalukuyang RA 9994, ang mga mahihirap lamang na senior citizens ang nabibigyan ng P500 tulong mula sa pamahalaan. Layunin ng panukalang batas na gawing P1,500 ang nasabing pension at ibigay  sa lahat ng senior citizens.

Upang hindi naman masyadong mahirapan ang gob­yerno, ang mga seniors na tumatanggap na ng buwanang pensiyon mula sa SSS, GSIS at military pensiyon ay makakatanggap lamang ng social pension tatlong taon matapos maging ganap na batas ang panukala.

comments powered by Disqus

mofuse.com