EDITORYAL - Balik sa drug war ang PNP

image

NOONG nakaraang linggo pa nagpahiwatig si Pres. Rodrigo Duterte na ibabalik sa Philippine National Police (PNP) ang pagpapatupad ng kampanya laban sa illegal na droga. Maski si PNP chief Director General Ronald dela Rosa ay ganito rin ang sinabi at wala raw silang magagawa kung iyon ang utos ng Presidente.

Ganunman, kahit na ibinalik ni Duterte ang PNP sa drug war, magiging katulong na lamang ito ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA). Ang PDEA pa rin ang lead agency laban sa illegal drugs at suporta lamang ang PNP. Isa sa mga dahilan ni Duterte kung bakit ibinalik ang PNP ay sapagkat kulang ang mga tauhan ng PDEA. Mahihirapang gampanan ng PDEA ang pakikipaglaban sa drug syndicates kung hindi sapat ang mga tauhan. Sabi ni Presidential Spokesman Harry Roque, “President Duterte decided to bring back PNP to drug war due to PDEA’s lack of resources.’’

Inaasahan ngayon sa pagbabalik ng PNP na nagkaroon na sila nang matinding leksiyon at hindi na masasangkot sa kontrobersiya. Naakusahan sa extrajudicial killings (EJKs), pagmamalabis sa “Oplan Tokhang” at “Double Barrel Reloaded” at iba pang mga pangyayari na natatapakan ang karapatan ng mga drug suspect.

Isa sa pinaka-kontrobersiyal na kaso ng PNP ay ang pagkamatay ng tindedyer na si Kian delos Santos ng Santa Quiteria, Caloocan City. Natagpuang patay si Kian na may tama ng bala sa ulo. Naka­luhod siya ng barilin. Bago iyon, nakunan ng CCTV na akbay si Kian ng tatlong pulis. Makaraan iyon, natagpuan na siyang patay malapit sa basurahan.

Kamakailan, inihayag ng Pasig police na gagamit na sila ng body camera sa kanilang drug campaign at iba pang criminal. Ang Pasig police ang unang gumamit ng body cam. Ito ayon sa kanila ay para magkaroon ng transparency sa kanilang mga ope­ration.

Noong isang araw, inilunsad ng PNP ang “Know Your Rights” app. Ang paglulunsad ay eksakto sa paggunita ng National Human Rights Consciousness Week. Maaari raw i-download ang kanilang app. Okey ito pero sana, maintindihan ng bawat miyembro ang nilalaman ng app ukol sa karapatan.

Natuto na nga kaya ang PNP? Sana nga para naman hindi sila mabatikos na lumalabag sa karapatang pantao sa pagkakataong ito.

comments powered by Disqus

mofuse.com