Partehan ng nakaw sa MRT-3 contracts

SAPOL By Jarius Bondoc

MATAGAL nang binunyag sa kolum na ito ang dalawang elemento ng plunder sa maintenance contracts ng MRT-3. Una, ang threshold amount na P50 milyon: mahigit P3.3 bilyon ang kinulimbat sa gobyerno nu’ng Okt. 2012-Okt. 2017. Ikalawa, serye o kombinasyon ng mga krimen: paulit-ulit nilabag ang mga batas sa katiwalian, pangongontrata, serbisyo publiko, at dummying.

Ngayon nagdadagdag si President Rody Duterte ng pa­ngatlo’t pinaka-mahalagang elemento para mapakulong ang mga salarin: personal na pakinabang. Tatlong partehan umano ang naganap. Ang unang katlo ay napunta sa mga opisyales ng Liberal Party na noo’y may kontrol sa Department of Transport at MRT-3. Ang ikalawang katlo ay binulsa ng “Pangasinan group” ng mga pinaborang kontratista. Ang huling katlo lang ang ginugol sa pagbili ng maintenance parts at labor. ‘Yan ang dahilan kaya nabulok ang commuter railway. Nasaktan at pinahirapan ang mga pasahero sa malimit na pagkasira ng tren.

May mga lumitaw na whistleblowers, ani Presidential Spokesman Harry Roque. Idiniin umano sina dating transport secretaries at LP presidents Mar Roxas at Joseph Abaya, at dating budget secretary at “utak ng LP” Florencio Abad.

Kung ganap na hustisya ang pakay, dapat ihabla ng Malacañang ang iba pang mga dating miyembro ng Gabinete na nakaupo sa Government Procurement Policy Board; sila ang nagpahintulot sa mga mapandambong na kontrata. Gayundin ang anim na transport undersecre­taries, apat na magkakasunod na MRT-3 general mana­gers, at ang kongresistang LP na patuloy na nagtatakip sa mga anomalya.

Ang pagparusa sa mga salarin ay babala sa mga kasalukuyang transport officials na kakasuhan din sila kung maanomalya ang kilos.

* * *

Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).

comments powered by Disqus

mofuse.com