EDITORYAL - Patuloy ang paglobo ng populasyon

AYON sa Population Commission (PopCom), sa pagtatapos ng 2017, magiging 105.75 milyon na ang mga Pilipino. Pinagbasehan ng PopCom ang pagdami ng mga Pinoy na bawat taon ay nadadagdagan ng dalawang milyon. Ayon kay Lolito Tacardon, deputy executive director ng PopCom, ang mga kababaihan sa mahihirap na sector ay may average na limang anak, kumpara sa mga kababaihan na nasa income bracket na dalawa lamang ang anak.

Hindi mapigilan ang pagdami ng mga Pinoy sa kabila na may mga programa ang pamahalaan sa tamang pagpaplano ng pamilya. Noong 2012, ipinasa na ang Reproductive Health (RH) bill na ang layunin ay maisaayos ang pagpaplano ng pamilya at ma­iligtas din ang mga kababaihan sa panganib nang ma­aagang pagbubuntis. Sa kabila na nagpalabas ng TRO ang Supreme Court sa ilang probisyon ng RH Bill, patuloy din namang nakaka-access sa iba pang family planning services sa health centers ang mga kababaihan. 

Pero sa kabila nito, hindi pa rin mapigilan ang pagdami ng populasyon. Kung hindi maisasaayos ang pagdami, tiyak na darami rin ang problema sa bansa. Unang problema ang pagdami ng mga magugutom. Dahil marami, kukulangin ang pagkain. At ikalawa, darami ang krimen. Dahil walang maibili ng pagkain, mapipilitan ang ilan na magnakaw o mang­holdap. Magpapatuloy din ang kakapusan sa tira­han at malaking sagabal sa paglikha ng mga trabaho. Sa kasalukuyan, marami ang walang trabaho at kaila­ngan pang mangibang bansa para makapagtrabaho.

Hindi napanatili ng Pilipinas ang pagmi-maintain sa tamang dami ng populasyon. Noong dekada 60, nagkakapareho ang populasyon ng Pilipinas at Thailand. Pero nang sumapit ang dekada 80, nagsimula nang dumami ang mga Pinoy. Ang Thailand ay napanatili ang tamang populasyon. Kung ano ang populasyon noon, ganun pa rin ngayon. Kaya maunlad ang Thailand. Hindi sila kinakapos sa panga­ngailangan.

Mahusay ang population management ng Thailand kaysa Pilipinas.

Nasira ang mga plano ng Pilipinas sa tinatahak na landas sa katamtamang dami. Nararapat ma­natili ang katamtamang dami ng mga Pilipino para ma­iwasan ang pagkagutom at pagtaas ng krimen. Nara­rapat maimulat ang mamamayan sa kahalagahan ng pagpaplano ng pamilya.

comments powered by Disqus

mofuse.com