Hinuhuli ako ng pulis, saklolohan n’yo ako

SAPOL By Jarius Bondoc

MATATAWAG na civil disobedience ang ginawang pagli­bing ng mga kaanak at kaibigan kay Reynaldo “Kulot” de Guzman. Siya ang 14 anyos na batang huling nakitang buhay sa kustodiya ng mga pulis sa Caloocan City, tapos natagpuang bangkay na naka-packing tape ang ulo at may 26 na saksak na ibinagsak sa sapa sa Nueva Ecija.

Civil disobedience ‘yon dahil itinuloy ang libing ni Kulot miski pinipigilan ng pulisya. Ipinababalik sana ng pulis ang bangkay sa kanila. Kasi raw, sa apurahang pag-DNA test nila sa bangkay, lumalabas na ibang tao raw ito. Binabalewala ng pulis ang nauna at mas masusing DNA test ng NBI, at pagkilala ng magulang sa bangkay, na si Kulot nga ‘yon. Pero binale-wala naman ng mga kaanak at kaibigan ang pagpipigil sa libing.

Ipinahiwatig ng libing ang kawalan ng tiwala ng mamamayan ngayon sa pulis. Parami kasi nang parami ang pang-aabuso ng pulis, sa ngalan ng war on drugs at kontra-kriminalidad.

Mas takot din ngayon ang ordinaryong mamamayan sa pulis kaysa kriminal. Kasi walang respeto ang mga ito sa karapatang pantao sa buhay, kalayaan, at ari-arian. Pumapatay, nandadampot, nagnanakaw. Totoo ang linya sa awiting “Baliktad na ang Mundo” ni Danny Fabella: “Hinuhuli ako ng pulis, saklolohan niyo ako!”

Galit ang PNP sa mga tumutuligsa. Pero maraming rason para sila tuligsain. Nu’ng Okt. 2016 ginamit ng ilang pulis ang war on drugs para kidnapin at patayin ang kini­kikilang Korean retiree. Napasabi tuloy ang amo nila sa Malacañang na talagang bulok hanggang kaloob-looban ang pulisya. At ngayon naman sunud-sunod na pagpatay ng pulis-Caloocan sa mga teenagers na nakaposas at nagmamakaawang nakaluhod.

Ikaw ba kapag binibiktima ng krimen ay tatawag pa ng pulis?

* * *

Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).

comments powered by Disqus

mofuse.com