EDITORYAL - Bawal ang ‘nag-iisa’ sa EDSA

image

TATLONG panukala ang inihahain ng Metro Ma­nila Development Authority (MMDA) para ma­paluwag ang trapiko sa EDSA. Una ay ang car­pooling­ kung saan hinihikayat na mag-share na lang ng sasakyan sa kasama o kaopisina. Dahil dito, minumungkahi na bawal dumaan sa EDSA ang sasakyan na iisa ang laman. Nakakadagdag lamang sa trapik ang sasakyan na iisa lang ang laman. Marami umanong sasakyan na dumadaan sa EDSA drayber lamang ang laman.

Ikalawang panukala ay ang two-days coding scheme. Kung dati ay isang araw lamang ang number coding, gagawin itong dalawang araw.

At ang ikatlo ay ang panukalang gawing one way ang EDSA at C5. Sa panukala ang lahat nang patu­ngo sa South ay sa EDSA dadaan. Lahat nang lane ay bukas para sa mga tutungo sa South at ang mga tutungo sa North ay dadaan naman sa C5. Balak ding gawing one way ang Roxas Boulevard.

Sa tatlong panukala, ang gawing one way ang pinaka-maganda sa lahat sapagkat malaki ang posibilidad na masolb ang trapik. Sa laki ng EDSA ka­yang dalhin ang lahat nang sasakyan na patungong South. Maglagay ng lane para sa bus at motorsiklo at tiyak na magiging smooth ang trapik. Ganyan din ang gawin sa C5. Tiyak na luluwag sapagkat iisa ang daloy.

Ang panukalang ipagbabawal ang mga sasak­yang nag-iisa lamang ang sakay ay hindi katanggap-tanggap. Paano kung may emergency na dapat puntahan ang may-ari ng sasakyan at nag-iisa siya? Pagbabawalan ba siyang dumaan sa EDSA? Mali ang panukalang yan. Apektado rin ang mga sasak­yang namamasada gaya ng mga taxi, Uber at Grab dahil saan sila dadaan kapag may inihatid sa kaha­baan ng EDSA. Pagbaba ng pasahero nila ay nag-iisa na sila kaya huhulihin na sila. Hindi maganda ang panukalang ito.

Hindi rin maganda ang panukalang two-days coding scheme. Hindi ito katanggap-tanggap sapagkat ang makikinabang ay ang maraming sasak­yan kaya hindi rin luluwag sa EDSA.

Ang dapat subukan ay ang gawing one way ang EDSA, C5 at Roxas Boulevard. Dito luluwag ang trapiko at masisiyahan ang motorista at riding public.

comments powered by Disqus

mofuse.com