‘E.T. sa Senado! Ano say n’yo?’

BAHALA SI BITAG By Ben Tulfo

Isang taon pa bago ang Senatorial elections pero ngayon pa lang ay naguumpisa nang magsilabasan ang pangalan ng mga posibleng magkaharap-harap upang maging parte ng 17th Congress of the Philippines.

Sa isinagawang senatorial race survey ng Social Weather Stations (SWS) noong December 2017, naglutangan ang iba’t ibang pangalan. Labing-isa sa mga lumutang na pangalan ay mga beteranong pulitiko at minsan nang naging parte ng Kongreso. Kabilang sa mga pumasok sa listahan ay sina JV Ejercito Estrada, Lito Lapid, Sara Duterte-Carpio, Ferdinand Marcos Jr., Jinggoy Estrada, Sonny Angara, Pia Cayetano at Nancy Binay. Nakuha naman nina Grace Poe, Cynthia Villar at Koko Pimentel ang top three spots.

Pero isang pangalan ang naging usap-usapan at gumulat sa lahat. Pasok sa Magic 12 ng senatorial race survey ang pangalan ng utol kong si Erwin Tulfo na nakakuha ng 26% na boto. Bagay na hindi ko na masyadong ipinagtaka. Bata pa lang kaming magkakapatid ay tinuruan na kami ng aming mga magulang ng magagandang asal. Isa sa mga bagay na itinuro nila sa amin ay ang pagiging matulungin sa kapwa.

Mula noon ay naging parte na ng buhay naming magkakapatid ang tumulong sa kapwa ng bukal sa loob at walang hini­hinging kapalit. Kaya naman hindi ako magugulat kung sumagi sa isip ni ‘Tol Erwin ang tumakbo bilang Senador para mas marami pa siyang matulungan na tao. Gayunpaman, hindi pa diretsahang nagpapahayag ng desisyon si ‘Tol Erwin kung papasukin ba niya ang pulitika o mananatiling siyang tapat na mamamahayag. Sa programa naming Kilos Pronto noong nakaraang Miyerkules, biniro ko si ‘Tol Erwin tungkol dito. Pilit ko siyang pinaamin pero tinawanan lang ako. Masyado pa raw maaga para sa usaping tulad nito.

‘Di na bago sa aming magkakapatid ang mga ganitong usa­pin. Tuwing nalalapit na ang eleksyon, marami ang sa amin ay nagpapadala ng mensahe at nagpapaabot ng kanilang suporta­. Nandiyan din ang mga pulitikong nanliligaw at bumubulong sa aming mga teynga. Sadya lang talagang malayo sa isipan naming magkakapatid ang pumasok sa pulitika. Pero ayoko namang magsalita ng tapos. Hindi namin hawak ang isa’t isa at malayo kaming magdesisyon para sa aming mga sarili.

Pero hindi lahat ng komento ay positibo. May ilan ding bumabatikos at kumukwestiyon sa kakayanan ni ‘Tol Erwin. May mga nagsasabing bagito pa ang utol ko at hindi bagay sa pulitika. Isa lang ang masasabi ko, kung mayroon mang higit na nakakakilala kay ‘Tol Erwin, ‘yun ay ang mga magulang namin at kami ng mga kapatid ko.

Sigurado ako na kahit saang industriya siya mapunta isang bagay ang hindi mawawala sa kaniya. ‘Yun ay ang pagtulong sa kapwa. Kaya ano man ang maging desisyon ng kapatid ko, buung-buo kong ibibigay ang aking pagsuporta.

comments powered by Disqus

mofuse.com