EDITORYAL- Libreng pagpapaospital sa mga na-Dengvaxia

image

Mabagal magpasya ang Department of Health (DOH) kaugnay sa mga batang nabakunahan ng Dengvaxia at ngayo’y may ilan nang sintomas ng dengue. Ito ay makaraang magpetisyon ang isang grupo ng mga magulang na ang mga anak ay nabakunahan ng Dengvaxia noong 2016. Sa petisyon ng mga magulang, sinabi nilang dapat pagkalooban ng libreng medical services ang kanilang mga anak na nabakunahan sapagkat hindi nila alam kung saan sila kukuha nang pagpapagamot sa kanilang anak kapag lumitaw na ang sintomas ng dengue. Nararapat silang tulu­ngan ng DOH sapagkat natutuliro sila sa nangyayari.

Ang pagkatuliro ng mga magulang ay lalo pang nadagdagan nang limang bata ang iniulat na namatay na may kaugnayan sa Dengvaxia. Ayon sa report, nakita sa ginawang awtopsiya sa mga biktima na nagkaroon ng pagdurugo sa utak ang mga bata na palatandaan na nagkaroon ng severe dengue ang mga ito. At lumalabas sa report na ang mga batang namatay ay binakunahan noong Abril 2016. Tinatayang nasa 830,000 mga batang mag-aaral sa Calabarzon. Metro Manila at Central Luzon ang binakunahan ng Dengvaxia. Itinigil ng DOH ang immunization program makaraang makaraang ihayag ng manufacturer Sanofi na palulubhain nito ang dengue kapag naiturok sa hindi pa nagkakasakit nito.

Nagkaroon na ng hearing sa Senado noong nakaraang Disyembre subalit wala ring nangyari sapagkat nagkanya-kanya nang turuan ang mga dating Health officials kaugnay sa Dengvaxia. Lahat ay nagsasabing wala silang kasalanan sa pagbibigay ng bakuna. Dumalo rin si dating President Noynoy Aquino sa pagdinig pero wala ring nangyari.

Maraming health experts ang nagsabi na mina­dali ang pagbibigay ng bakuna. Hindi naman daw napakaseryoso ng dengue sa bansa kaya lubhang nakapagtataka kung bakit agad-agad itong ibinigay sa mga bata. Ang masaklap, sinasabi na wala raw mapaparusahan sa mga dating opisyal ng DOH.

Maraming magulang ang lumapit sa Public Attorney’s Office (PAO) para humingi ng tulong. Nagpetis­yon sila na dapat magkaroon ng free medical services ang kanilang mga ana. Nag-comment naman ang Supreme Court at sinabing dapat aksiyunan ng DOH ang hinaing ng mga magulang.

Dapat magpasya ang DOH ukol sa mga batang nabakunahan ng Dengvaxia at posibleng magkasintomas ng dengue na ilibre ang pagpapagamot. Magbigay ng direktiba sa lahat ng ospital na gamutin nang libre ang mga bata na na-Dengvaxia.

comments powered by Disqus

mofuse.com