CJ Sereno nangangamba na

KUNSABAGAY By Tony Katigbak

MAY bagong palabas sa mga sinehan ngayon na ang pamagat ay “smaller and smaller circles”. Para sa akin, dyan ko maihahambing si Supreme Court Chief Justice Maria Lourdes Sereno na kasalukuyang iginigisa sa Kongreso. Ganyan din ang nasa isip ng kanyang mga supporters paliit nang paliit ang mundo ng Chief Justice, nangangamba na ang mga ito dahil isa-isa ng nagsusulputan sa Kongreso ang mga taga-Korte Suprema­ upang tumestigo laban kay Sereno. Unti-unti nang ibinubulgar ng kanyang mga kapwa justices ang mga pag­kakamaling ginawa niya habang siya ang punong ma­histrado.

Kung naalala n’yo, tatlo o apat na taon na ang nakalilipas, napatalsik din sa puwesto si Ex-Chief Justice Renato Corona sapagkat hindi niya naipaliwanag ang kanyang itinatagong kayamanan at hindi tama ang kanyang Statement of Asset and Liabilities and Networth (SALN). Ganito rin kaya ang magiging kapalaran ni Se­reno? Kung talagang wala siyang kasalanan o pagkaka­mali, harapin niya ang mga taong umuusig sa kanya. Abogado siya kaya ipagtanggol ang sarili. Kahit naman siguro sino sa atin kapag tinapak-tapakan o hinusgahan ka ng kapwa mo ay matututo kang lumaban. Ang masama rito hindi solido ang nakukuha niyang suporta sa SC. Ang problema kasi kay Sereno, nagdedesisyon siya ng kanya. Dapat alam niya na ang SC ay “collegial body” na kung may importanteng desisyon ay isangguni ito sa lahat ng justices at ito’y dadaanin sa botohan.

Malaking pagkakamali ni Ex-Pres. Noynoy Aquino dahil sa pagkaka-appoint kay Sereno. Nilampasan niya ang senior justices sa SC samantalang swak na swak sana sa pwesto si Senior Associate Justice Antonio Carpio.

Dapat gawin ni Digong, he should consider tenure of service of the justices at piliing mabuti ang nararapat maging Chief Justice.

comments powered by Disqus

mofuse.com