EDITORYAL - Tutukan, pagdami ng dengue cases

image

ANG Hunyo ay dengue awareness month. Pero sa napaulat na pagdami ng kaso ng dengue ngayon, hindi na masasabing ang buwan na ito ang panahon para maging maingat sa pagkalat ng nakamamatay na sakit, dapat buwan-buwan na ang ga­wing pagpapaalala sa mamamayan.

Sa report kamakailan ng Department of Health (DOH) mayroon nang 4,165 kaso ng dengue sa Metro Manila mula Enero 1 hanggang Mayo 6, 2017. Lubhang mataas ito kumpara sa 3,633 kaso noong nakaraang taon sa kaparehong period. Ayon pa sa DOH, may naitala nang 22 namatay sa Metro Manila dahil sa dengue.

Ikatlo ang Metro Manila sa may mataas na kaso ng dengue (12.4 per cent). Nangunguna naman ang Central Visayas (15.8 percent) at ikalawa ang Central Luzon (13.4 percent).

Sa kabila na mayroon nang natuklasang bakuna para sa dengue, hindi pa rin mapigilan ang pagtaas ng bilang ng nagkakasakit na hatid ng lamok na tinatawag na Aedes Aegypti. Ang lamok na ito na kadalasang nangangagat tuwing daytime ay mada­ling makikilala dahil batik-batik ang katawan. Karaniwang mga bata ang nabibiktima ng dengue lalo pa ang mga estudyante sa public elementary school.

Ang kalinisan sa loob ng bahay at kapaligiran ang susi para mapigilan ang pagkalat ng mga lamok na may dengue. Huwag iistak ang mga basyong bote, lata, gulong ng sasakyan, paso ng halaman sapagkat napupuno ito ng tubig sa panahon ng tag-ulan. Linisin din ang mga kanal na hindi umaagos ang tubig sapagkat dito nangingitlog ang mga lamok.

Sintomas ng dengue ang lagnat, pagkakaroon ng pantal-pantal sa balat, pananakit ng ulo, kasu-ka­suan, lagnat at pagsusuka.

Ang pagbibigay ng gabay sa mamamayan ukol sa dengue ay nararapat pang paigtingin ng Department of Health (DOH). Magbigay ng impormasyon sa mamamayan ukol sa dengue upang ganap na ma­iwasan ito. Marami pa rin ang salat sa kaalaman ukol sa mga lamok na naghahatid ng sakit lalo ang mga nasa liblib. Ituro sa mga estudyante ang pag-iingat at paglilinis sa kapaligiran. Habang ma­aga, ipa­mulat na sa mga bata ang kahalagahan ng paglilinis sa loob ng bahay at paligid upang walang tirahan ang mga lamok.

comments powered by Disqus

mofuse.com