EDITORYAL - Hindi kaya ma-korap ang SAF sa Bilibid?

image

NADAGDAGAN ang tropa ng Special Action Force (SAF) sa New Bilibid Prison (NBP). Noong Martes, 400 SAF members ang dinala sa NBP para magbantay sa maximum security compound. Noong 2016 unang nagbantay sa NBP ang SAF members. Dinala sila roon para mapigilan ang talamak na drug trade sa loob.

Naging mataas ang pagkilala sa SAF makaraan­ ang madugong masaker sa Mamasapano na iki­namatay ng 44 SAF members noong Nob. 23, 2015. Anang mga opisyal sa Bureau of Corrections (BuCor), kailangan sa Bilibid ay matigas ang mga kamao para malabanan ang mga salot na drug traffickers. Si PNP chief Dir. Gen. Ronald dela Rosa mismo ang naghatid sa SAF members noong Martes. Sabi niya sa SAF, huwag siyang ipapahiya­. Alam ng PNP chief na maraming pulis ngayon ang sangkot sa pangongotong. Iyon ay sa kabila na itinaas na ang kanilang suweldo.

Sa himig ng salita ni Dela Rosa ay hindi masasangkot sa masamang gawin ang bagong tropa ng SAF habang nakadestino ito sa Bilibid. Mga disiplinado umano ang mga ito at ipinagmamalaki ng PNP. Karamihan sa mga dinala sa Bilibid para magbantay ay mga SAF na napalaban sa Marawi noong nakaraang taon. Subok na aniya ang tibay ng SAF at hindi magigiba kahit nang sino pang makapangyarihang drug lord na umano’y nasa medium security compound.

Noong nakaraang linggo, inamin ng PDEA na may bagong drug syndicate sa Bilibid. Hindi na umano sikat ang mga dating drug lord na inimbitahan ng Senado noon. Ang bagong syndicate umano ay may kakayahang magpasok ng shabu kahit gaano karaming bulto. At hindi na raw natatakot ang mga ito.

Ingatan ang imahe ng SAF na huwag hayaang kainin ng sistema habang naglilingkod sa pambansang bilangguan. Huwag hayaang matukso sila sa kinang ng pera na iaalok ng drug lord. Ang katumbas ng pagsunod sa alok ng mga salot ay pagbagsak naman sa iniingatang imahe. Huwag kakagatin ang mansanas na ibinibigay ng salot na drug syndicate. Marami nang nasira ang buhay dahil sa alok na kayamanan ng sindikato.

comments powered by Disqus

mofuse.com