Pangalawang ambush

REPORT CARD By Atty. Ernest Maceda

TULOY na raw ang pagkaso sa mga pulis at barangay tanod na inulan ng bala ang napagkamalang van sa Mandaluyong.  Subalit ang bumulaga sa lipunan kahapon ay ang inunang pagsampa ng reklamo laban  sa isa sa mga biktima ng trahedya.

 Kahapon ay sinampahan ng kaso ng Eastern Police District (EPD) Special Investigation Task Group-Shaw si Eliseo Aluad, Jr. Ito ay ang ka-partner ng isa pang biktima ng pamamaril na si Jo­nalyn Amba-an. Itong si Bb. Amba-an ay ang babaing nauna nang nabaril sa rambulan na nauwi sa pagsugod sa kanya sa ospital. At nang patungo na ngang ospital ay saka sila tinambangan ng rumerespondeng pulis at barangay tanod.

 Hindi inasahan nang marami ang ganitong kabilis na pag-imbestiga at pagsampa ng kaso laban kay Aluad sa naging papel nito sa naunang pamamaril sa kanyang ka-partner. Ang hinihintay talaga ng madla ay ang agarang aksyon na ipina­ngako ng EPD laban sa kanilang mga pabayang tauhan. Tutoo at agad ikinulong ang siyam na pulis na sangkot at inilagay naman sa restrictive custody ang kanilang Team Leader. Pero hanggang hindi tinuluyan ang pagsampa ng kaso ay hindi pa rin mapangatawanan ang kaseryosohan ng PNP na panagutin ang kanilang mga tauhang nagkasala.

 Sa araw na isiniguro ng EPD na tutuluyan nila ang pagsampa ng kaso sa sarili nilang tao, siniguro na rin nilang nauna na ang pagsampa ng kaso laban sa mismong biktimang si Aluad. Medyo­ nahirapan tayong intindihin ang ganitong pangyayari. Parang pangalawang beses na-ambush ang kawawang biktima.

 Oo at may obligasyon silang alamin ang katotohanan at panagutin ang mga may kasalanan sa batas. May responsibi­lidad si Aluad sa naunang pamaril sa kanyang kapartner. Su­ba­lit mas masahol ang naging pananagutan ng mga pulis at tanod. Namaril sa walang kalaban labang target na hindi man lang nila sinisiguro kung ano ang katotohanan. Sila ang dapat pinagdiinan at inuna.

 Sana ay walang masamang intensyon ang unang pagdiin kay Aluad. Sana ay hindi ito ginawa para lang mabawasan ang bigat ng kasalanan ng mga pulis na imbes na iligtas ang mga walang kasalanan ay sila pang naging instrumento ng kanilang kapahamakan.

comments powered by Disqus

mofuse.com