NBI kasali uli sa war on drugs

BANAT NI BATUIGAS By Bening Batuigas

Pasok ulit ang National Bureau of Investigation (NBI) sa war on drugs ni President Rodrigo Duterte matapos ang mahigit isang buwang pagkahinto. Maganda naman ang pinakita ng NBI sa pakikipagdigma sa droga noon pa man at nasira lamang nang makaladkad ang ilang opis­yal at tauhan sa pagkamatay ng Korean businessman na si Jee Ick-joo. Isinangkot ni SPO3 Ricky Sta. Isa­bel sina dating NBI-NCR director Ricardo Diaz, Deputy Director for Investigation Service Jose Justo Yap, Super­vising Agent Darwin Lising at NBI-TFAID head Roel Bolivar na ikinadismaya ni President Duterte. Nabura tuloy ang magandang trabaho ng NBI sa nasamsam na 850 kilos ng shabu sa isinagawang raid sa Pasay at San Juan City. Nagkakahalaga ang shabu ng P5-bilyon. Ngayong ibinalik na ang latigo kay PNP chief Dir. Gen. Ronald dela Rosa para labanan muli ang illegal na droga pakakawalan din ni DOJ secretary Vitaliano Aguirre ang NBI para parehas ang laban.

Kapansin-pansin ang pagbalik ng war on drugs na tina­gurian ng PNP na “double barrel reload” dahil nawala ang mga holdapan sa kalye. Palatandaan ‘yan na may gana na naman ang mga pulis na magtrabaho. Hindi lahat­ nang operasyon ng pulis ay paghuli lamang sa mga drug offenders kundi kasama rin ang pagtugis sa mga hired killer at organized crime syndicate. Katulad sa gina­wang pagsilbi ng warrant of arrest sa Arayat, Pampanga kung saan limang tao ang patay kabilang ang barangay chairman. Ayon sa  PNP-Provincial Intelligence Branch ng Pampanga police, ang mga napatay ay sina Melvin Guevarra, barangay chairman; Jack Pineda, Aldrin Duri, Fermin Bado at isang di-pa nakikilalang lalaki.

Sa Maynila, napatay ang “hitman” ng drug syndicate nang inguso ng mga residente ang isang nagngangalang  Arvin Aquino alyas “Sundalo” at Arbelboy Aquino dela Cruz nang makipagbarilan sa mga operatiba. Malinaw din na armado ang mga sindikato kung kaya hindi puwedeng satsatan o pakiusapan na lamang ang pakikipagharap dito ng mga pulis.  Ang malinaw dito, gumagamit lamang ng dahas ang mga pulis kung sila na mismo ang nagigipit. Tiyak, mapupuno na naman ang mga kulungan sa walang humapay na pagtugis sa mga pusher/user at kriminal. May patutsada ang aking mga kausap kay Dela Rosa at Aguirre na aksyunan naman daw sana ang walang humpay na pagpatay ng mga riding-in-tandem. Ang pagbalewala umano sa extra-judicial killings  ang dumidiin sa programa ni Duterte laban sa droga. Kaya raw nadadawit o inakusahan ng International Human Rights si Duterte ay dahil walang aksyon sina Dela Rosa  at Aguirre sa pagtukoy sa mga salarin.

Kung may patayan, may buhay din naman sa mga operasyon ng pulis. Kahapon ng madaling araw, naaresto ng Criminal Investigation and Detection Group-Manila sa pangunguna ni C/Insp. Willy Sy ang number 6 most wanted person na si Angelo Masicampo, alias “ Bebong” sa Parola Compound. Tondo. Kasunod nito, nalambat din ang lima pang most wanted persons sa pagsalakay nina Sy. Malinaw na hindi tutulug-tulog ang mga pulis sa paghabol sa drug offenders at mga criminal. 

comments powered by Disqus

mofuse.com