Dasal at pag-aalaga sa sarili

DOC WILLIE By Dr. Willie T. Ong

NOONG nabubuhay pa si Pope John Paul II, marami siyang karamdaman na pinagdaanan. Nahirapan siyang maglakad at magsalita. May ilang operasyon din siyang pinagdaanan.

Sa lahat ng kanyang sakit, nagpapasalamat siya sa kanyang mga doktor. Anang Pope, “Malaki ang naitulong ng aking mga doktor na nagmamalasakit sa akin. Pero kung may mga nararamdaman pa ako ay titiisin ko na.”

Naipakita ni Pope John Paul ang tamang pagbalanse ng benepisyo ng siyensiya at pagdarasal. Kung ang tao ay may sakit, kailangan niyang magpatingin sa doktor.  Kabilang sa pagsunod sa payo ng doktor ay ka­ilangan din sabayan ng dasal para mapabilis ang paggaling. Malaki ang tulong ng positibong pananaw.

Naalala ko pa ang isang pasyente kong pastor na aking tinutulungan. Mayroon siyang heart failure, pagmamanas at may tubig pa sa baga. Sa pamamagitan ng gamot ay naiayos ko ang kanyang kondisyon. Lumakas siya, nawala ang manas at paghingal, at nakabalik sa kanyang pagtuturo.

Ngunit pagkaraan ng isang taon, bigla na lang niyang itinigil ang lahat ng gamot. Ayaw na raw niya ng siyensiya. Iaasa na lang niya sa Diyos ang kanyang kalusugan.

Ang pakiusap ko ay baka puwede niya ituloy ang gamot dahil kailangan ito ng kanyang katawan. Ilang tableta lang naman ang iinumin bawat araw. Ipinakita ko pa sa kanya ang taglay kong rosary at sinabi ko na bagamat ako ay Katoliko at siya ay Kristiyano ay pareho pa rin ang aming Diyos.

Pagkaraan ng isang buwan ay nabalitaan ko na lang na pumanaw na siya. Ayon sa kanyang bantay, itinigil niya ang kanyang gamot. At isang araw ay bigla na lang inatake sa puso.

Nakakahinayang ang ganitong kuwento dahil simple lang naman ang gamutan sa sakit sa puso. Inumin lang ang gamot at sundin ang mga health tips na babagay sa inyo.

Totoo na minsan ay mayroon ding pagkakamali ang mga doktor. Pero ang dasal ko ay sana makatulong pa kami sa marami nating kababayan. Sana sa pamamagitan ng aming health tips ay mapanatili natin ang inyong kalusugan. Simpleng payo lang tulad ng pag-iwas sa sigarilyo, pag-ehersisyo, pagtulog ng sapat at pagkain ng tama.

Tulad ni Pope John Paul, pagsamahin natin ang pagdarasal at pag-aalaga sa sarili. Ito ay para sa ating kalusugan at para magawa pa natin ang misyon sa mundong ito.

comments powered by Disqus

mofuse.com