Gubat patungong Baguio kakalbuhin

SAPOL By Jarius Bondoc

KUNG bibiyahe kayo patungong Baguio City via Marcos Highway, langhapin n’yo ang simoy at ganda ng gubat sa magkabilang panig. Malapit nang mawala ang luntiang tanawin. Pasado na sa third reading sa House of Reps ang panukalang pagkalbo ng kagubatan. Gagawin itong mga barong-barong at tenement, condo at shopping malls, para sa mga magkakamkam.

Nu’ng 1978 ipinagbawal ni President Marcos ang pagmimina o pagtotroso hanggang limang kilometrong layo mula sa magkabila ng highway -- maliban lang kung payagan ng Ministries of Natural Resources at ng Human Settlements ang limitadong pamamahay. Ito’y para protektahan ang mahalagang ruta laban sa pagguho ng lupa. Mahigit 31,000 ektarya ng gubat ang na-preserba.

Pero pinanukala ni La Union Rep. Sandra Eriguel na tibagin ang 26,000 ektarya ng gubat para umano tirhan ng kung sino. Pinalabas na kapritso lang ang proklamasyon ni Marcos para pagandahin ang paboritong highway na nakapangalan sa kanya. Kesyo raw may naunang batas na nagpapabahay sa pook, at may ilang bahay na roon nu’ng gawin ang highway.

Kahibangan ang panukalang ito. Mawawasak ng landslides ang highway. Magiging feeder lang ito ng mga aspaltadong daan kaliwa’t kanan patungo sa mga subdivisions, hotels, malls, at hindi maiiwasang squatter colonies. Mag-aagawan ang mga tao sa lupa. Matutulad ang Marcos Highway sa Kennon Road, isang dating marikit na tanawin din paakyat ng Baguio. Kamakailan ni-land grab ng mga tiwaling highways engineers at politiko ang mga malalawak na shoulder bends sa Kennon Road, at tinayuan ng mga tig-apat na palapag na mga bahay at pensione na may tanawing bundok.

* * *

Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).

comments powered by Disqus

mofuse.com