PNP, NBI, AFP bawal na sa Tokhang

AKSYON NGAYON By Al G. Pedroche

INAAMIN ng Social Weather Station (SWS) sa pagbaba ng approval rating ni Presidente Duterte ay ang mga walang habas na pagpatay sa mga drug suspects na isinasagawa ng ilang kagawad ng Phi­lippine National Police­ (PNP). Ayon kay SWS president Mahar Manga­has, malamang magtuluy-tuloy ang pagbu­lusok ng rating­ ng Pangulo kung hindi titigil ang mga pinaniniwalaang extrajudicial killings na sa impresyon ng marami ay state sponsored.

Halatang napika ang administrasyon sa mga aku­sas­yong ganito. Pati nga si PNP Chief, Director Ge­neral dela Rosa ay tinawag na “ingrato” ang mga tumu­tuligsa sa anti-drug campaign ng pamahalaan

Ito marahil ang dahilan kung bakit pinagbawalan na kahapon ni Presidente Duterte ang Philippine National­ Police (PNP), National Bureau of Investigation (NBI), Armed Forces of the Philippines (AFP) at iba pang law enforcement agencies sa pagpsasagawa ng anti-drug operations. Ipinaubaya na lang ng Pangulo ang drug operations sa iisang ahensya, ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).

Sa kautusan ng Pangulo, tanging ang PDEA na lamang­ ang puwedeng magsagawa ng anti-drug ope­rations. Ang tanging maitutulong na lamang ng PNP, NBI at iba pang ahensyang nagpapatupad ng batas ay ibigay sa PDEA ang lahat ng impormasyon o datos na kanilang hawak kaugnay ng illegal drugs sa PDEA.

Sana nga, sa bagong direktiba ng Pangulo ay ma­bawasan na, kundi man tuluyang mawala ang laganap­ na pagpatay pati ng mga inosenteng sibilyan sa isinasa­­ga­wang giyera laban sa droga.

Umani ng matinding pagbatikos ang anti-drug war ng gobyerno mula sa ibat ibang sector kabilang na ang United Nations (UN) dahil sa libo-libo umanong napatay sa pamamagitan ng extrajudicial killings. Umaasa ako na sa hakbang ng Pangulo, mabubura na ang masamang impresyon laban sa adminis­trasyong ito.

comments powered by Disqus

mofuse.com