Carpool

REPORT CARD By Atty. Ernest Maceda

NAGING palaisipan ang panukala ng MMDA ng pag-carpool sa EDSA bilang isa sa menu ng solusyon sa trapiko. Itong pagpasok ng BER months, alam nating mas lalala ang sitwasyon. Higit na kakailanganin ang epektibong panukala para mabawasan ang bigat ng trapiko – ang isa sa ating mga pambansang kalbaryo.

Hindi mapigilan ang paghiyaw ng mga motorista. Labag daw ito sa kanilang karapatan bilang taxpayer. Limitasyon pa sa laya nilang gamitin ang kanilang mga sasakyang minamaneho.

Ano ba talaga ang gustong mangyari ng pamahalaan sa sinasabi nitong carpooling?

Bilang pampabawas sa bilang ng sasakyan sa kalsada, ipagbabawal ang paglakbay sa EDSA ng mga sasakyang iisa lang ang sakay. Pinakamalaki nang grupo ng mga bumabaybay sa EDSA ang ganitong iisa ang pasahero. Kapag dalawa ang nakasakay, dito ipaiiral ang number coding. At kung tatlo o higit pa ang lulan, hindi na ito sakop ng anumang limitasyon. Itong pagpu-pool ng tao sa loob ng isang sasakyan imbes na magdala ng kanya kanyang sakay ang tinutukoy na carpooling.

Hindi violation ng karapatan ng mga motorista ang ganitong sistema. Sa mga sitwasyon kung saan may matinding pangangailangan, kinikilala ang kapangyarihan ng pamahalaan na limitahan ang karapatan ng mga mamamayan kung kinakailangan para sa kapakanan ng nakararami.

Sa usapang carpool, nasa isang panig ang interes ng may ari ng sasakyan na maimaneho ito sa mga lansangang bayad sa kanyang buwis. Sa kabila naman ay ang interes ng publikong napeperwisyo sa mabigat na daloy ng trapiko. Sa gitna ay ang kontrobersyal na carpool regulation.

Inaabangan pa ng kinauukulan ang mga gagawing­ pag-aaral dito. Hindi pa 100% na siguradong makakapa­gaang ito sa problema. Kung tutuusin ay may bunga rin itong bagong problema. Papaano iyung mga magnenegosyo ng kanilang sasakyan? Ano ang turing sa kanila – public utility din tulad ng taxi? O para ba silang UBER o Grab? Ano ang proteksyon ng publiko kapag nadisgrasya ang ganitong sasakyan? Ang obligasyon ng driver at ng may ari?

Maganda at nakakaisip ng ganitong mga bagong solusyon ang mga namamahala. Sana ay mapatunayang epektibo nang makapaghatid ginhawa sa kalbaryo natin sa araw-araw.

 

comments powered by Disqus

mofuse.com