Gasgas na alibi

AKSYON NGAYON By Al G. Pedroche

SA tuwing may mga “bigating” taong akusado sa krimen na ayaw makulong sa mga city jail, ang hirit na alibi ng kanilang mga abogado ay may banta sa kanilang buhay kung ipipiit sa mga ordinaryong kulungan.

Kaya ang mosyon ay maipiit ang mga akusadong ito sa PNP custodial center o kaya sa NBI para sila’y maging ligtas.

Iyan mismo ang hirit ng abogado ng Customs fixer na si Mark Taguba na sangkot sa P6 na bilyong shabu na naipuslit sa loob ng bansa. Naghain ng mosyon ang abogado ni Taguba na si Atty. Cas Sta. Agueda sa Manila Regional Trial Court para huwag mapiit sa Manila City Jail ang kanyang kliyente habang nililitis sa natu­rang kaso. Ibig ng kampo ni Taguba na manatili siya sa detention ng NBI para tiyakin ang kanyang kaligtasan.

Bagama’t karapatan ng sino mang akusado ang mag­harap ng ganyang mosyon, sa tingin ko ay masyado nang gasgas at palasak ang katuwirang ito.

May impormasyon daw silang natanggap na may isang government official na inginuso ni Taguba sa kanyang pag-testify sa Senate hearing na ibig umano siyang ipapatay.

Kung puwedeng pagbigyan si Taguba sa kanyang ka­hilingang manatili sa NBI detention, paano naman yung mga “less fortunate” na nililitis sa mga non-bailable crimes na kailangang magtiis sa mga overcrowded na pi­itan? Kung tutuusin, kahit sino ka pa, walang kasiguruhan ang iyong kaligtasan kapag ikaw ay nakapiit.

Iba ba ang dapat maging pagtrato sa mga ordinar­yong criminal na walang pera kaysa doon sa mga may salapi at impluwensya? Kaya nga may hawak na timba­ngan si Lady Justice ay sa dahilang pantay-pantay at walang kinikilingan ang katarungan.

comments powered by Disqus

mofuse.com