Isang hamon kay Sen. Bam Aquino

BAHALA SI BITAG By Ben Tulfo

HINDI ko alam kung ano ang nasa isip ni Sen. Bam Aquino nang magbigay siya ng komento hinggil sa mga nagra-rallying estudyante at ang libreng tuition ng gob­yerno.

Diretsahan kong kinukontra ang mga nasambit ng senador sa media, mali ang pagsasabing karapatan ng mga estudyante ang libreng matrikula sa pag-aaral dahil ito ay isang pribelehiyo.

Pribelehiyong kaakibat ay responsibilidad, respeto at pagkilala. Do not teach the students what entitlement is all about.

Para kasing sa tema ng iyong pananalita, dahil sa iskolar sila ng bayan ay may karapatan silang gawin anu­man ang gustuhin nila. That they can do whatever they want to do with no accountability.  

Simple lang naman ang lohika, kung isa kang ama, gumagastos sa matrikula ng iyong anak at wala ng ginawa kundi magsisigaw at magrally lamang sa kalsada, hindi ka ba magagalit?

Simplehan pa natin, ikaw bilang magulang, nagpapaaral ng anak. Matatanggap mo ba na may sariling panuntunan ang iyong anak sa kanyang pag-aaral?

Na puwede niyang gawin ang gusto niyang gawin, pagsalitaan ka ng masama, awayin ka at suwayin ka? Kahit naman sinong magulang, hindi papayag mabastos ng kanyang mga sariling anak.

Ikaw Sen. Bam Aquino, gusto kong malaman ang nilalaman ng isip mo. Maaaring meron kang eksplanasyon kung bakit mo nasambit ang mga salitang ‘yun. Gusto kong maintindihan ang lohikang nais mong ipaabot sa publiko at hindi basta pinangangatawanan ang pagiging kontrapelo sa gobyerno.

You are better than that Sen. Bam, alam kong matalino ka at nais din ng publikong maunawaan ang mga komento mong ‘yun.

Pag-usapan natin, iniimbitahan kitang umupo sa aking programang Ben Tulfo Unfiltered. Anumang araw, next week. Kasalukuyan ng nakikipag-ugnayan ang aking staffs sa’yo, naghihintay lang kami ng iyong kasagutan.

comments powered by Disqus

mofuse.com