‘Pinagpawisang pera hindi makubra!’

BAHALA SI BITAG By Ben Tulfo

PERA na naging bato pa! ‘Yan ang masaklap na sinapit ng dating OFW na lumapit sa aming Bitag Action Center. Tumataginting kasing ang P600,000 niyang pera sa M Lhuiller, hindi niya makubra!

Apat na taong nagpakahirap at nagpakapagod sa Riyadh, Saudi Arabia ang OFW. Pero sa loob ng apat na taong iyon, ni-minsan ay hindi siya nakatikim ng suweldo.

Literal na dugo at pawis ang kanyang naging puhunan dahil madalas siyang pagbuhatan ng kamay ng kanyang amo. Naranasan niyang mapalo sa ulo, matadyakan, sapakin at sabunutan ng walang kalaban-laban. Mabuti na lamang at na-rescue siya ng OWWA at natulungan din siyang mabayaran ng karampatang halaga sa apat na taon niyang paninilbihan.

Malaking bagay sana ang perang ito para sa kanyang pagpapagamot dahil na rin sa trauma na dinanas niya sa ibang bansa sa kamay ng walang puso niyang amo. Pero ang problema, ang pera na ipinadala sa kanya sa M Lhuiller hindi naman niya makuha! Sa laki raw kasi ng halagang ipinadala, hindi ito basta-basta maibibigay ng remittance company sa kanila.

Ang siste, kailangan daw nilang pakiusapan ang sender ng pera na hatiin sa tatlong transaksiyon ang padala para makuha nila ito. Dahil kung hindi ay wala na raw silang makukuha ni-singko.

Kinumpirma namin ito sa M Lhuiller mismo at nakausap namin si Michael Abalos, ang customer care specialist ng M Lhuiller. Paglilinaw niya, hindi nila iniipit ang pera at ibibigay naman daw nila. Kailangan lang daw nilang tawagan at kumpirmahin sa nagpadala ng pera ang mga impormasyon nito pati na ng claimant ng pera. At sa oras na ma-verify na ang transaksiyon, puwede na nilang makuha.

Susmaryosep! Ayun naman pala eh, ‘ala naman palang problema. Ibibigay n’yo din pala, pinaabot n’yo pa sa amin. Pero wala na akong paki kung gusto n’yo lang bang ma-TV para sa libreng advertisement o natakot lang kayo kay Tol Erwin. Ang importante sa amin, natulungan namin ang pobre.

Paalala na rin sa mga OFW na gumagamit ng remittance company para magpadala ng pera sa Pilipinas. Kung magpapadala kayo ng kuwarta, ‘wag sobra-sobra dahil baka magaya kayo rito at kayo pa ang maabala. Mas maigi ring gumamit na lang kayo ng banko sa pagapapdala, mas safe na hassle free pa.

comments powered by Disqus

mofuse.com