Ihulog lang sa drop box…

K KA LANG? By Korina Sanchez

IPATUTUPAD na ang paggamit ng “drop boxes” sa mga barangay. Batay sa utos ng DILG, maglalagay na ng mga kahon sa mga barangay, para doon pwedeng ihulog ang mga pangalan ng mga sangkot umano sa iligal na droga. Araw-araw ay bubuksan ang mga kahon sa harap ng ilang opisyal, at kung may mga pangalan ay iimbistigahan daw nang maayos ang mga ito bago aksyunan nang sang-ayon sa batas. Pati mga abusado o sangkot sa iligal na gawain na mga opisyal o pulis ang puwede rin ilagay sa kahon at aaksyunan din. Ito ang kanilang sinasabi. Pero ang tanong, ito ba ang gagawin?

Baka naman bubulungan na lang ang mga tropang kumikilos sa labas ng batas, sa kadiliman ng gabi, dala-dala ang kanilang mga tali, karatula at packaging tape, at hahatulan ng kamatayan na lang ang mga nasa kahon na iyan. O kaya mamamatay na lang sa mga tinatawag na lehitimong operasyon ng mga pulis. Ano ang garantiya na hindi aabusuhin? Ano ang garantiya na kapag nasulat na ang pangalan mo ay aalamin sa maayos at ligal na pamamaraan kung totoo nga ang mga paratang o hindi? Ano ang garantiya na hindi dadami ang mga Kian delos Santos sa bansa? “Ihulog lang sa mga drop box at maaaring kriminal ka na!” Ano ang pinagkaiba niyan sa mga “makapili” noong World War 2? Napalitan na ba ng mga drop box ang mga taong may saklob na bayong ang mga ulo?

Paano kung nilagay ang pangalan dahil lang sa inggit­, o maliliit na alitan, at walang kriminal na batayan? Sapat na ba para imbestigahan ang sinumang malagay sa kahon na iyan? Hindi ba trabaho ng pulis ang mag-imbestiga nang maayos? Bakit tila ipinapasa na lang sa taongbayan ang trabaho na iyan, at sila na lang ang magdidispensa ng “hustisya”, sang-ayon sa sukatan ng administrasyong ito? Parang mas lalong nalagay lang sa peligro ang taumbayan, sa panahon kung saan maraming Pilipino ang nangangamba na maging biktima ng madugong kampanya sa iligal na droga. Ngayon, pinadali pa ng gobyerno na malagay ang pangalan sa mga “drug list” nang walang kalaban-laban.

comments powered by Disqus

mofuse.com