EDITORYAL - Total ban sa paputok

image

Isinusulong ngayon ni President Digong na gawing permanente na ang pagbabawal sa paputok at pailaw. Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, nais daw ng Presidente na magpasa ng batas ang Kongreso para sa total ban ng paputok at mga pailaw. Mas gusto raw ng Presidente na isang batas na ang magbabawal sa mga paputok at gusto umano ay agad-agaran. Marahil, ang kakaunting bilang ng mga nasugatan sa paputok ang nagpa-inspire sa Presidente para ipagbawal nang tuluyan ang paputok

Noong nakaraang taon, inisyu ni Duterte ang Executive Order No. 28 na nagbabawal sa pagbebenta ng mga malalakas na paputok gaya ng Judas belt, sawa, piccolo, Goodbuy Philippines, kuwitis at iba pa. Kailangan ay mayroong fireworks display sa barangay. Ipinagbabawal ang pagpapaputok sa harap ng bahay.

Ang pagbabawal ay nagresulta sa kakaunting bilang ng mga naputukan at naputulan ng daliri. Ayon sa Department of Health (DOH), 191 injuries lamang ang naitala ngayong 2018 kumpara noong nakaraang taon na 630. Ayon pa sa DOH walang insidente ngayon na namatay dahil sa paputok at wala ring naiulat na bata na nakalunok ng piccolo kumpara sa mga nakaraang selebrasyon na may namatay at nakalulon ng paputok. Kaunti na rin ang naitalang sunog sa buong bansa.

Marahil ang ganitong resulta ang nagpasigla sa Presidente na permanenteng ibawal na ang pagbebenta ng mga paputok at pailaw. Pero bakit naman pati pailaw (pyrotechnics) ay ipagbabawal na rin. Dapat huwag isama sa bawal ang mga pailaw sapagkat hindi naman delikado. Kailangan lamang ay bigyan ng lisensiya ang mga gagawa ng pailaw para masegurong ligtas.

Dapat din namang maghigpit ang Bureau of Customs para hindi makalusot ang mga magpupuslit ng smuggled na paputok gaya ng piccolo. Tumulong sana sila sa hangarin ni Digong na mawala nang tuluyan ang mga mapaminsalang paputok.

comments powered by Disqus

mofuse.com