Minerong nandambong patuloy na naghuhukay

SAPOL By Jarius Bondoc

TATLONG sangay na ng gobyerno ang nagpasya. Nandambong ang minahang SR Metals Inc. (SRMI) ng 1.8 milyong tonelada ng nickel-cobalt ore, halagang P2.8 bilyon, sa Agusan. Pero hindi ito inihahabla, o pinapatawan man lang ng buwis. Palibhasa protektado ng mga politiko.

Pinuno ng SRMI si Eric Gutierrez, financier ng Liberal Party na nagpondo sa kampanya nina Noynoy Aquino nu’ng 2010 at Mar Roxas nu’ng 2016. Kasosyo si Rep. Edgar Erice, LP spokesman-vice chairman.

Small-scale lang ang mining permit nu’ng 2006 ng SRMI at affiliates na San R Construction at Galeo Equipment. Dahil pala, piko at kareta lang ang gamit, hanggang tig-50,000 tonelada ng ore ang quota nila kada taon. Pero dose-dosenang bulldozers at excavators ang iniakyat nila sa bundok, at barges na idinaong sa pier. Sa loob lang ng 13 buwan ay 1.8 milyong tonelada na ang nahakot. Ipinasara sila ng Department of Environment and Natural Resources.

Sa pagdemanda sa Court of Appeals at Supreme Court, pinalabas ng SRMI et al na ang permit nila ay hindi pang-50,000 toneladang ore kundi purong nickel cobalt. Sa bawat 155,000 tonelada ng ore ay 1,966 tonelada lang ng bakal ang nakakatas. Kaya malayo pa raw sila sa quota. Baluktot ang katwirang ‘yon, magkasunod na pasya ng dalawang korte.

Sa imbestigasyon ng Senado nabisto na, sa dinambong na P2.8-bilyong ore, minultahan ang SRMI ng administrasyong LP ng P7.2 milyon lang. Aba’y kung gan’un, patuloy nitong wawasakin ang bundok at gubat, ilog at dagat ng Agusan para tumubo nang malaki at magmulta nang katiting.

Nu’ng 2015 binigyan ang SRMI et al ng large-scale mining permit. Ginantimpalaan sila ni Aquino na pinaka-mahusay na minahan kaya dapat pamarisan umano ng lahat. Ngayong 2017 nagyayabang umano ang tatlong mandarambong na malakas sila sa gobernador, na malakas kay Presidente Rodrigo Duterte. Totoo ba ito, kaya walang parusa?

comments powered by Disqus

mofuse.com