Bungang araw: Makating butlig sa katawan

DOC WILLIE By Dr. Willie T. Ong

MAYROON ka bang kinakamot sa iyong balat? Makati at mapula ba ito na parang butlig ang hitsura? Tingnan ninyong maigi dahil posibleng bungang araw iyan.

Ang bungang araw (heat rash or prickly heat) ay mapupula at makakating mga butlig sa katawan. Kadalasan ay tabi-tabi itong mga butlig. Mukha itong maliliit na tagihawat.

Ang mga parte ng katawan na madalas tubuan ng bungang araw ay ang leeg, balikat, likod, dibdib at singit. Nag-uumpisa ang bungang araw kapag lagi kang pinapawisan at naiinitan. At kapag nagbara ang mga daanan ng pawis (sweat ducts), mag-iipon ito ng pawis at magiging bungang araw.

Tayong mga nakatira sa mainit na bansa ay mas nagkakaroon ng bungang araw. Kung mabigat ang iyong trabaho o nagsusuot ka ng makapal na damit ay puwede ring magka-rashes.

Heto ang mga paraan para makaiwas at malunasan ang bungang araw:

1. Gumamit ng powder para sa bungang araw. Ang tawag dito ay “prickly heat powder or lotion.” Mabibili ito sa botika at supermarket. Ipahid ito sa makating parte ng katawan dalawa hanggang apat na beses sa maghapon.

2. Kung wala kang mabiling prickly heat powder, puwede rin ang baby powder, corn starch o baking soda bilang kapalit.

3. Para mabawasan ang kati, maaaring maghalo ng 1 basong tubig at 1 kutsaritang baking powder. Isawsaw ang tuwalya sa solution na ito at ipahid sa katawan ng 10-15 minuto.

4. Huwag kamutin ang rashes dahil magsusugat at maiimpeksiyon lamang.

5. Magsuot ng maluwag at preskong damit na gawa sa cotton.

6. Manatili sa lugar na malamig, o may air-con o bentilador.

7. Huwag lagyan nang maraming malalapot na lotion ang iyong balat.

8. Maligo araw-araw para manatiling presko at malinis ang katawan.

May mga sitwasyon na kailangan nang kumunsulta sa doktor. Kapag ang pasyente ay may lagnat, o may nana na lumalabas sa rashes, ipakita natin ito sa doktor. Simple lang ang gamutan sa bungang araw. Mag-powder at magpalamig palagi. Good luck po!

comments powered by Disqus

mofuse.com