Huwag nating kalimutan

K KA LANG? By Korina Sanchez

MALIGAYANG Pasko ng Pagkabuhay! Sana ay naging tahimik ang inyong Mahal na Araw at nabigyan kayo ng pagka­kataon na magnilay sa tila nawawalang tunay na dahilan at mensahe ng Kuwaresma. Hindi lang ito pagkakataong makapagbakasyon kundi panahon para gunitain ang mala­king sakripisyo na binigay ni Hesukristo para sa ating lahat. Magpa­salamat na may pagkakataong maligtas, kung tatanggapin lang siya sa ating buhay. Huwag na­ting kalimutan iyan.

 Nabasa ko na sinuportahan ng China ang pag-alis ni Pres. Rodrigo Duterte bilang miyembro ng International Criminal Court (ICC). Hindi daw dapat magpagamit na “political tool” ang ICC, at nanawagan sa mga bansa na suportahan ang kampanya ni Duterte sa droga. Hindi naging miyembro ang China sa ICC. Maraming isyu sa karapatang pantao ang China, kaya siguro hindi na naging miyembro.

Ayon sa PDEA, tatlo ang malalaking pinanggagalingan ng iligal na droga. Ang dalawa ay naka-base sa China. Ang isa ay naka-base sa Taiwan. Ang 14K Triad pa nga ang isa sa nagsusuplay ng droga sa Sinaloa Cartel ng Mexico, na nagkalat ang mga galamay sa mundo. Siguro bago magsalita ang China na suporta­han ang kampanya laban sa iligal na droga ng Pilipinas, sila na muna ang kumilos para matigil ang pagkalat ng droga mula sa kanilang bansa. Ang pinakamalaking halaga ng droga na nakapasok sa bansa ay galing ng China.

Hanggang ngayon, wala pang ulo na gumugulong sa Bureau of Customs na nalusutan o nagpalusot ng P6-bil­yong halaga ng shabu. Pero marami pa rin ang namamatay dahil sa ilang­ pakete lang. Ito ba ang sinusuportahan ng China? Ika nga, tumi­ngin muna ang China sa sari­ling bakuran.   

Lahat nang bansa, gustong masugpo ang iligal na droga. Pero ka­ilangang matukoy ang malalaking suplayer nito. At unang-una sa lista­han ang China. Huwag kalimutan ‘yan.

comments powered by Disqus

mofuse.com