Marami pang kawatan sa NAIA

BANAT NI BATUIGAS By Bening Batuigas

SA kabila ng banta ni Pres. Rodrigo Duterte na ipalu­lunok niya sa mga opisyales ng Ninoy Aquino International Airport at Airport Police ang mga itinatanim na bala sa mga pasaherong pumapasok sa mga airport terminal, aba’y mukhang nag-iba ng modus ang mga kawatan doon.

Noong Miyerkules Santo, dalawang miyembro ng Office of Transportation Security (OTS) sa NAIA Terminal 3 ang sinampahan ng kaso sa Pasay City Fiscal’s Office ng pagnanakaw sa isang Japanese national. Kinilala ni Manila International Airport Authority (MIAA) General Manager Ed Monreal ang mga hinayupak na kawatan na sumira sa reputasyon ng bansa na sina Stephen Bartolo at James Timtim Demie. Sa imbestigasyon ni GM Monreal, dumating si Yuya Sakata ng 12:45 ng hapon sakay ng Cebu Pacific flight 5J40 mula Sydney, Australia. Inilagay umano ni Sakata ang kanyang wallet na may 2,700 Australian dollars sa loob ng kanyang bag bago idinaan sa X-ray machine. Nang nasa loob na siya ng departure area ng terminal 3 matapos makapag-check in, doon na niya nadiskubreng nawawala na ang 1,700 dollars sa kanyang wallet. Agad ini-report ni Sakata kay Brady Saygo, guwardiya ng Lanting Security Agency na agad namang nagsama sa biktima sa opisina ng airport police department.

Kaya nang ipa-review ang CCTV footages doon nakita kung papaano binuksan ni Bartolo ang wallet ni Sakata, hehehe! Nag-iwan naman siya ng 1,000 dollar sa wallet ni Sakata. Ang masakit nito, nang gilingin na siya sa imbes­tigasyon, itinuro niya ang kasabwat na si Timtim. Nabawi sa kanila ang ninakaw na pera.

Kaya naglalagatikan ang bagang ni DOTr Secretary Art Tugade sa galit dahil nabahiran na naman ang kanyang ahensiya. Wala talagang kadala-dala ang ilang empleyado sa airport. Kailan kaya sila titino gayong ang tagubilin ni President Digong, alisin lahat ng bugok at mandarambong sa mga airport terminal. Gusto pa ba nitong mga empleyado na saklaw ni GM Monreal na matulad sila sa nangyaring pagsibak sa mga empleado ng MIASCOR? Nananawagan ako sa mga suki kong empleyado sa airport na isumbong ang mga kasamahang magnanakaw at baka pati kayo madamay at mawalan ng trabaho. Gets n’yo? Abangan!      

comments powered by Disqus

mofuse.com